Naglabas ng joint statement ang Advanced Media Broadcasting System (AMBS) at ABS-CBN Corporation kaugnay sa mga programang eere sa free-to-air channel na ALLTV matapos ang contract signing para sa content agreements na isinagawa sa Britanny Hotel Villar City nitong Martes, Abril 23.

Ayon sa naturang joint statement ng AMBS at ABS-CBN, layunin umano ng bagong partnership na maghatid ng saya at balita sa mga tagasubaybay ng ALLTV  na mapapanood sa Channel 2 sa free TV, cable, at satellite TV nationwide.

Kaya naman simula Mayo 13 ay mapapanood na ng ALLTV viewers ang mga pinakatumatak at pinakapaborito nilang Kapamilya teleserye na handog ng Jeepney TV sa iba’t ibang oras.

Dumalo sa pirmahan ng kontrata sina Chairman ng Villar Group na si Manny Villar, Sen. Mark Villar, Vista Land & Lifescapes Inc. president at CEO Paolo Villar, All Value Holdings Corp. president at CEO Camille Villar. Kinatawan naman ng AMBS sina president Maribeth Tolentino at ang CFO nitong si Cecille Bernardo.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Samantala, ang mga kumatawan naman para sa ABS-CBN ay sina chairman Mark Lopez, president at CEO Carlo Katigbak, chief operating officer Cory Vidanes, Group CFO Rick Tan, at chief partnership officer Bobby Barreiro. 

Hindi naman tinukoy kung ano-anong Kapamilya shows ang mapapasama sa line-up. 

Pero bago pa man ito, nauna nang umere sa ALLTV ang longest-running primetime newscast sa bansa na TV Patrol. 

MAKI-BALITA: TV Patrol ng ABS-CBN, mapapanood na ulit sa Channel 2