Naglabas ng opisyal na pahayag si Vice President Sara Duterte kaugnay ng naging tirada kamakailan ni First Lady Liza Araneta-Marcos na “bad shot” na siya rito.
Matatandaang kamakailan lamang ay pinatutsadahan ni FL Liza si VP Sara at sinabing “bad shot” na ito sa kaniya dahil nakita raw niya itong tumatawa habang sinasabihan ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “bangag.”
Sa kaniya namang mensahe nitong Lunes, Abril 22, sinabi ni VP Sara na karapatan naman daw ni FL Liza ang “makaramdam ng sama ng loob at galit” bilang isang tao. Gayunman, wala raw itong kinalaman sa kaniyang pagiging opisyal.
“Ang kanyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan,” pagbibigay-diin ng bise presidente.
“Upang makausad tayo, iiwan na natin sa isang pribadong pag-uusap sa pagitan lamang namin ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. ang mga susunod na hakbang. Mga kaigsuonan, nag-atubang ang atong nasud og dagkong mga problema nga kinahanglang solusyonan sa gobyerno,” dagdag niya.
Iginiit din ni VP Sara na dapat daw silang nakatutok sa pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng bansa.
“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin at ito ay mas nagpapahirap pa sa dinaranas na gutom o kawalan ng sapat na pagkain ng mahihirap nating kababayan. Nagbabadya rin ang kakulangan ng supply ng tubig at kuryente, habang talamak na naman ang ipinagbabawal na droga,” ani VP Sara.
“Samantala, hindi pa rin natatapos ang banta ng kriminalidad, terorismo at insurhensiya sa ating bansa. Kini ang mga butang nga angay natong hatagan og pagtagad.
“Unahin natin ang Pilipinas,” saad pa niya.