Nananawagan daw ang sorbeterong si Marlon Canaway, 50-anyos ng Six Angels Ice Cream Shop sa Mandaluyong City, na huwag na raw sanang tawaging "dirty ice cream" ang panindang sorbetes na inilalako sa kalsada, dahil hindi naman daw talaga ito marumi.
Itinampok ng Manila Bulletin ang paggawa ni Marlon ng iba't ibang flavors ng sorbetes na patok na patok kainin lalo na sa panahon ng tag-init.
Ayon sa panayam kay Canaway, hindi raw marumi at malinis daw ang mga paninda niyang sorbetes, dahil bago pa ang mga suki, sariling pamilya at kaibigan daw niya ang kumakain nito.
Aniya pa, tinitiyak niyang malinis ang ginagawang mga sorbetes dahil kung masisira ang tiyan ng mga bumibili, tiyak na babalik din ito sa kaniya.
Bago maging sorbetero ay naging Overseas Filipino Worker muna si Canaway. Pumatok naman ang kaniyang paninda at nakapagpaaral siya ng mga anak dahil dito.
Nagbigay naman ng mensahe ang mga netizen kay Canaway at sa iba pang sorbetero.
"Ituloy po ninyo itong tradisyonal na sorbetes o pinoy ice cream, Proud of you!!!"
"ganyan ice cream nung nag bday anak ko e. sulit sa sarap at dami. may natira pa after bday kahit halos lahat may take out na ice cream."
"Wag na nating tawagin na dirty ice cream para kahit foreigner ay kakain din."
"kabibili ko lang ng sorbetes para sa mga pamangkin ko buti daw may dumaan s lugar namin... pagkabili ko nag sibilihan mga kapitbahay namin.... ang init kasi"
"Solid yan lalo na kapag may tinapay."