Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng Mindanao ngayong Lunes, Abril 22, dahil sa trough ng low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni PAGASA Weather Specialist Obet Badrina na malapit sa ekwador ang LPA at hindi naman daw ito inaasahang magiging bagyo.

Gayunpaman, inaasahang magdadala raw ang mga kaulapan at trough ng LPA ng mga pag-ulan partikular na sa bahagi ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

“Inaasahan naman nating sa mga susunod na oras o within the day, pwedeng malusaw na itong LPA na ito,” ani Badrina.

Samantala, nakaapekto naman daw ang ridge ng high pressure area (HPA) sa silangang bahagi ng Luzon.

Isa raw sa mga indikasyon ng HPA ang hindi masyadong pagkabuo ng mga kaulapan.

Dahil dito, inaasahan pa rin ang mainit na panahon partikular na sa mga bahagi ng Luzon at Visayas.

May mga tsansa pa rin naman ng isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dulot ng localized thunderstorms, ayon pa sa PAGASA.