Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros ang “mabagal” umanong pagkilos ng Philippine National Police (PNP) sa paghuli kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy at pagbawi sa firearms license nito.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 22, sinabi ni Hontiveros na dapat ginagawa ng PNP ang lahat para maaresto na si Quiboloy, na nahaharap sa mga kasong tulad ng sexual abuse, human trafficking, at labor violations.
Hinimok din ng senadora ang PNP na bawiin na ang lisensya ng pastor dahil sa dami at bigat umano ng nakabinbin na mga kaso nito.
“I urge the PNP to stop justifying not revoking fugitive Apollo Quiboloy’s firearms license. Dapat ginagawa nila ang lahat para mahuli siya,” giit ni Hontiveros.
“The PNP’s Implementing Rules and Regulations (IRR) clearly state that for citizens with a firearms license, legal disability — or the ‘the loss by the licensee of the legal qualification or capacity to own and possess firearms in accordance with this Revised IRR’ — includes the “pendency of a criminal case with imposable penalty of more than 2 years.
“Sa dami at bigat ng pending cases ni Quiboloy, siguro naman pwede nang bawiin ang mga armas niya. Sa kasong human trafficking pa lang, non-bailable at lifetime imprisonment na ang parusa, kaya ano pa hinihintay ng PNP? Nakapagtataka ang bagal,” saad pa niya.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa tatlong arrest warrants, ang isa ay mula sa Davao City court, ang isa ay mula sa Pasig court, at ang isa naman ay ang mismong inihaing arrest warrant kamakailan ng Senado.