"Desperado" ka bang magkaroon ng jowa at mapapangasawa, na darating sa puntong magpapakasal ka na sa kasangkapan sa bahay?
Noong 2021, nag-viral ang isang balita patungkol kay "Khoi-Rul Anam" na umano'y nagpakasal sa kaniyang rice cooker. Tinawag itong "rice cooker bride."
Sa mga larawan, makikitang pinaghandaan ni Anam ang kaniyang kasal kung saan nakaputi itong damit-pangkasal at pinagsuot din ng belo ang kaniyang rice cooker bride. Makikita rin ang pagtatanim niya ng halik sa kaniyang kakaibang bride.
Pero apat na araw matapos ang kasalang naganap ay diniborsyo raw agad ni Anam ang nasabing rice cooker at sinabing kanin lamang ang kaya nitong lutuin. naka-dokumento rin ito sa kaniyang Facebook account.
Pero legal nga ba ito?
Sey ni Anam, hindi totoo ang kasal at diborsyo dahil ito ay gawa-gawa lamang. Bilang isang social media personality, naisipan lang daw niyang magbigay-aliw sa kaniyang followers. Gayundin, ito rin kasi ang tema ng kaniyang content.
Puwede nga bang magpakasal sa kasangkapan o kagamitan?
Sa karamihan ng mga kultura at batas, ang kasal ay isang seremonya at legal na kontrata na nagpapakasal sa dalawang tao. Sa gayon, hindi posible na magpakasal sa isang kagamitan o kasangkapan dahil ito ay walang kakayahan o legal na personalidad upang pumasok sa isang ugnayan na tulad ng kasal.
Ngunit, may mga bansa at kultura na may mga seremonya o ritwal na nagpapakasal sa mga tao sa iba't ibang bagay, tulad ng mga puno, hayop, o kahit sa sarili nila. Seremonya lamang ito at hindi "law-binding." Sa legal na kahulugan, ang kasal ay nangangailangan ng pagsang-ayon mula sa mga indibidwal na may legal na kakayahan.