Patuloy na umiiral ang ridge ng high pressure area (HPA) sa ilang bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Abril 20.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Daniel James Villamil na nakaaapekto pa rin ang ridge o extension ng HPA, isang “anti-cyclone system,” partikular na sa silangang bahagi ng Luzon.
“Kaya for the next 24 hours, patuloy tayong makararanas ng mainit at maalinsangang panahon sa Metro Manila at mga nalalabing bahagi ng bansa,” ani Villamil.
“Maliban na lamang sa mga tsansa ng pulo-pulong pag-ulan na may kulog at pagkidlat na dulot ng localized thunderstorms,” dagdag pa niya.
Samantala, sa ngayon ay wala umanong binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Dahil dito, malaki pa rin daw ang tsansang magkaroon ng mataas na temperatura sa ilang bahagi ng bansa ngayong Sabado.