Nagbigay ng talumpati ang aktor na si Phillip Salvador sa 42nd anniversary event ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na ginanap sa isang hotel sa Cebu City nitong Abril 19, na nasa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inimbitahang magsalita si Ipe dahil isa siya sa posibleng tumakbong senador sa 2025, sa ilalim ng nabanggit na political party.
Ayon sa pagpapakilala sa kaniya ng moderator, nang tanungin daw siya kung posible siyang tumakbo bilang senador ay sinabi raw ng action star na kinokonsidera niya ito.
At batay naman sa desisyon ng national committee ng partido, inirekomenda nila ang nominasyon ni Salvador kasama ang re-electionist na sina Sen. Francis Tolentino, Sen. Bong Go, at Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.
Wala namang tumutol nang opisyal nang i-anunsyo na mapapabilang na si Salvador sa line-up ng mga senador na tatakbo sa senatorial race 2025, sa ilalim ng PDP.
Kasama ring dumalo sa nabanggit na event si Sen. Robin Padilla.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Ipe na matagal na niyang hinintay ang pagkakataong ma-endorso siya ng PDP.
"Ang tagal ko nang hinintay ito. Kung 'yong sinasabi n'yo, mahal n'yo si PRRD, ako, ibibigay ko ang buhay ko para sa kaniya," ani Ipe.
Willing din umanong gawin ni Ipe ang biopic ni Duterte sa isang pelikula, kung sakaling matutuloy ito.
Tinanggap naman ni Ipe ang nominasyon ng PDP sa kaniya.
"Tinatanggap ko po ang aking nominasyon para sa 2025 senatorial election," aniya. "Mananatili po ako sa PDP hanggang sa huli kong hininga. Tandaan n'yo po 'yan. Maraming salamat po! Ako po si Phillip Salvador, hindi po ako abogado, hindi po ako doktor, hindi po ako engineer. Ako po ay isang artista na PDP. Na magiging epektibong magserbisyo sa mga Pilipino!" aniya.
Samantala, inalis na rin ng PDP ang salitang "Laban" o "Lakas ng Bayan" sa kanilang partido.