Matapos ianunsyo ang kaniyang reelection bid, ipinahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na umaasa siyang magbabago ang isip ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at maisipan din nitong tumakbo bilang senador sa 2025.
Sa ginanap na ika-42 anibersaryo ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa Cebu City nitong Biyernes, Abril 19, opisyal na inendorso ng partido ang reelection bid ni Dela Rosa kasama sina Senador Bong Go at Senador Francis Tolentino para sa senatorial elections sa susunod na taon.
Bukod sa tatlong senador, inendorso rin ng PDP ang aktor na si Phillip Salvador na nag-anunsyo rin na tatakbo siya bilang senador sa susunod na taon.
https://balita.net.ph/2024/04/20/phillip-salvador-tatakbong-senador-sa-2025-inendorso-ng-pdp/
Kaugnay nito, sa kaniyang pahayag ay sinabi ni Dela Rosa na ipinagdadasal nilang manalo silang apat at muling makasama sa Senado ang kapartidong si Senador Robin Padilla para mapalakas pa ang puwersa ng PDP.
Bukod dito, sinabi rin ni Dela Rosa na sana raw ay tulungan sila ng kanilang party chairman na si dating Pangulong Duterte sa pamamagitan ng pagtakbo rin nito bilang senador.
“Baka mamaya magbago ang isip ng ating party chairman. Kapag hindi siya tinatamad, baka gusto niyang tulungan kami doon para mas lalo tayong lalakas sa Senado,” saad ni Dela Rosa.
“Chances are hindi talaga nila mahahawakan ang Senado kapag nandiyan kaming apat at madagdagan pa kami. Hindi mahahawakan ng mga kung sinumang nagbabalak na hahawakan ang Senado,” saad pa niya.
Samantala, sinabi naman ni Duterte sa naturang pagdiriwang na “retired” na umano siya.
Si Duterte ang pangulo ng bansa mula 2016 hanggang 2022.