Hinikayat ni Dr. Wennie Fajilan ng University of Santo Tomas (UST) na ipakilala ang praktikal na paggamit ng wikang Filipino sa mga estudyante at magulang na ayaw gamitin umano ang naturang wika.

Sa ginanap na lektura at paglulunsad ng Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika noong Miyerkules, Abril 17, tinanong si Dr. Fajilan kung ano ang mainam gawin upang malutas ang nabanggit na suliranin.

Ayon sa kaniya: “Ang maganda, mas hikayatin sila sa pamamagitan ng pagpapakilala ng pagiging praktikal ng paggamit ng wikang Filipino lalong-lalo na sa komunikasyong pambansa.”

“Kasi kung ang mangyayari ay mag-i-Ingles ang lahat, makakamit ba natin ang epektibong pambansang komunikasyon? Ang totoo, hindi,” aniya.

Sa puntong ito, nabanggit ni Fajilan ang nangyari noong pandemya bilang halimbawa kung paano nakatulong ang wikang Filipino para makamit ang komunikasyong pambansa.

“‘Yong website ng DOH o Facebook nila noong simula ng Covid-19, puro English ang post kasi do’n sila nasanay. Pero dahil nga krisis na, natatakot tayo, bago lang ‘yong konsepto ng pandemya, ‘di alam ang gagawin, ang bilis ng mga pangyayari, ang daming namamatay. Nag-demand ‘yong mga tao na ‘mag-Filipino kayo. Tagalugin n’yo naman ‘yan’,” saad niya. 

Dagdag pa ni Fajilan: “‘Yon ang dahilan din kung bakit pagdating ng late March hanggang Abril, Mayo, Hunyo—’yong tatlong buwan ng pandemya, ng lockdown—grabe ang pagsasalin sa buong Pilipinas, sa iba’t ibang wika. Kasi praktikal na gamitin ang ating mga katutubong wika para totoo tayong magkaunawaan.”

Si Fajilan ang isa sa mga nagsilbing tagapanayam sa naturang lektura at paglulunsad. Siya ay associate professor sa UST. Bukod sa pagiging guro, siya rin ay mananaliksik, manunulat, at tagasalin.