Isang libreng concert ang handog ng Manila City Government para sa mga miyembro ng LGBTQ+ community, sa pag-arangkada ng “Manila Summer Pride” sa lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang naturang libreng concert ay isasagawa sa Sabado ng gabi, Abril 20, sa Andres Bonifacio Shrine, sa tabi ng Manila City Hall.
Ani Lacuna, ang free concert ay inorganisa ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) sa pamumuno ni Charlie Duñgo, at sinuportahan naman ng mga 'Bekshies ng Maynila.'
Ayon kay Dungo, isang lineup ng mga artista ang inaasahang magtatanghal sa Manila Summer Pride Concert, na magsisimula ganap na alas-6:00 ng gabi.
Inanyayahan din nina Lacuna at Dungo ang mga Manilenyo na manood ng naturang libreng concert.
Samantala, nanawagan naman si Lacuna ng pagkakapantay-pantay at respeto para sa mga miyembro ng LGBTQ+.
Ayon kay Lacuna, ang panawagan ay suportado ng City Ordinance 8695 na nagkakaloob ng proteksiyon para sa nasabing sektor, na ang talento, kakayahan, at abilidad ay kinikilala ng pamahalaang lungsod.
Iginiit din naman ni Lacuna ang kanyang paniniwala na ang lahat ay entitled sa pantay na karapatan at oportunidad, anuman ang kanilang kasarian o sexual preferences.
“Naniniwala ako bilang isang Ina na kahit sino ka pa, kahit ano ka pa, may puwang ka sa mundo, may silbi ka sa mundo. Basta’t ang pananaw natin sa buhay ay wala tayong tinatapakan, wala tayong pinagsasamantalahan, may paggalang tayo sa karapatan ng bawat isa at may pananagutan tayo sa malayang pamumuhay,” ani Lacuna.
Aniya pa, sa Maynila, maraming mahahalagang posisyon sa lokal na pamahalaan ang mahusay na ginagampanan ng mga miyembro ng LGBTQ+.