Nag-react si First Lady Liza Araneta-Marcos tungkol sa patutsada ni Glenn Chong na dinaya raw nila ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ang election system noong 2022.

Matatandaang walang patumpik-tumpik na sinabi ni Chong na minanipula umano ni PBBM at First Lady ang eleksyon noong 2022.

“Marcos Jr., wala kang moral authority to lead this nation dahil minanipula ng asawa mo at ikaw ang Smartmatic election system at nandoon ako no’ng inamin ng asawa mo na magme-meeting kayo ng may-ari ng Smartmatic,” ani Chong sa isinagawang Laban Kasama ang Bayan Prayer Rally sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Marso 12.

MAKI-BALITA: Glenn Chong, sinabing minanipula ni PBBM ang eleksyon noong 2022

Sa exclusive interview ni Araneta-Marcos kay Anthony Taberna na umere nitong Biyernes, Abril 19, sinabi niyang parte ng eleksyon team si Chong kung kaya’t nandoon daw ito noong bilangan ng boto.

“My first reaction was ‘’di ba you’re an officer of the court?’ And then he says we cheated pero nandoon siya no’ng counting. He was part of our election team. So why will you wait one year to say that we cheated? Eh nandoon ka every meeting. You know they say you are the size of your enemy,” saad ng First Lady.

“I hope he wins for, I don’t know, congressman or governor or whatever,” dagdag pa niya.