Kung gusto mong magbakasyon sa ibang bansa, isa ang Taiwan sa mga maaaari mong ikonsiderang puntahan dahil bukod sa malapit lang ito sa Pilipinas, maraming magagandang pasyalan dito na pang-core memories ang experience, solo trip ka man o kasama ang barkada o pamilya.
Narito ang ilan sa unforgettable tourist spots na maaari mo ring bisitahin at i-enjoy sa Taiwan.
1. Houli Flower Farm
Matatagpuan sa Houli District, Taichung, Taiwan, very refreshing ang Houli Flower Farm lalo na para sa mga plantita o mahihilig sa flowers.
Bukod sa picture-perfect na makukulay na bulaklak, kung saan ang iba ay korteng teddy bears, mayroon ding ilang creative spots sa farm tulad ng swing, malalaking photo frame, musical instruments, at malaking half moon na maaaring upuan para maging extra special ang pag-capture ng moment at memories. Mayroon din silang B.B.Q. Buffet rito na kasama na sa entrance fee!
2. Formosan Aboriginal Culture Village
Matatagpuan sa Yuchi Township, Nantou County, Taiwan, ang Formosan Aboriginal Culture Village ay isang amusement park kung saan maaari mong ma-experience ang iba’t ibang rides at magagandang tanawin. Isa sa mga matatagpuan dito ay ang nakamamanghang “Spanish Coast” na inspired daw ang pagkakagawa sa Gaudi ng Barcelona. Dito ay pwede mong sakyan ang mga rides tulad ng Rapid Raft Ride at water coaster na Armada Invencible, basta’t huwag mo lang kalimutang magsuot ng kapote para hindi masyadong mabasa!
Isa rin sa mga highlight sa Formosan ay ang pagsakay sa cable car para matanaw ang kabuuan ng amusement park at ang ganda ng Sun Moon Lake. Tuwing season ng Cherry Blossoms sa Taiwan ay tatambad din sa’yo mula sa itaas ang ganda ng mga bulaklak nito.
3. Sun Moon Lake
Tulad ng nabanggit sa itaas, malapit lang sa Formosan Aboriginal Culture Village sa Yuchi Township, Nantou County ang Sun Moon Lake. Isa ito sa mga pinakadinarayo ng mga turista dahil sa gandang taglay nito, lalo na’t ito raw ang pinakamalawak na lawa sa buong Taiwan. Pinangalanan itong Sun Moon Lake dahil nahati ng isla na “Lalu Island” ang lawa sa dalawang bahagi, kung saan ang isa ay hugis crescent moon habang ang isa pang bahagi ng lawa ay hugis araw.
Bukod sa mismong ganda ng lawa na bubusog sa iyong mga mata at magpapakalma sa iyong isip, maaari mo ring ma-enjoy ang ilang activities dito tulad ng pagsakay sa bike para maikot ang buong paligid, pagsakay sa bangka, o sa cable car ng Formosan.
4. Xpark
Matatagpuan sa Taoyuan, Taiwan, ang Xpark ay isang state-of-the-art aquarium kung saan makikita ang mga species tulad ng iba’t ibang uri ng isda, jellyfish, at penguin. Lumikha raw ang pamunuan ng Xpark ng angkop kapaligiran para sa mga species sa pamamagitan ng pag-recreate sa temperatures, humidity, aroma at maging sa tunog upang gayahin ang living environments ng mga ito.
Kaya naman, sa pagpasok sa bawat section ng Xpark, mararamdaman mong para kang kabahagi ng mundo ng bawat living creatures na matatapuan dito. Magandang pasyalan ang Xpark lalo na pang-family bonding!
5. Cijin Island
Matatagpuan sa Fongshan District, Kaohsiung, Taiwan, ang Cijin Island ay magandang pang-unwind o maging lugar para magka-quality time ang pamilya. Sumasakay ang mga turista sa ferry sa Gushan Ferry Pier para mapuntahan ang isla. Pagkarating sa Cijin Island, doon mo na makikita ang magagandang spots tulad ng rainbow-like Cijin Tunnel, Cijin beach, Rainbow Church, at kanilang Observation Desk kung saan matatanaw ang ganda ng buong beach.
Para mapuntahan ang naturang spots sa Cijin ay pwede kang magrenta ng bike pang-solo, o kaya naman ay e-bike na good for four or more para kasama ang pamilya o barkada. Bibigyan ka nila ng mapa para sa direksyon ng mga gusto ninyong puntahan gamit ang e-bike. Kung ayaw mo namang mapagastos, maaari mong lakarin ang spots na ito o mag-jogging tulad ng ginagawa ng ilang mga turista rito. Dahil sa ganda at peaceful vibes ng lugar, may mga nagpe-prenuptial shoot din sa Cijin Island.
6. Lotus Pond Scenic Area
Isa ang Lotus Pond Scenic Area sa most traditional scenic areas sa Kaohsiung, Taiwan. Isa itong malawak na “man-made lake,” at matatagpuan dito ang mga templo na itinayo raw upang ipagdiwang ang kultura at kasaysayan ng lugar. Bukod sa tradisyong sinasalamin ng Lotus Pond, picture-perfect din para sa mga turista ang mga pagoda, fairy-tale statues at mga templo rito.
Bukod sa mga nabanggit, matatagpuan din sa Lotus Pond ang malaking imahen ng mga nakangangang dragon at tigre na maaari mong pasukin at nagsisilbing lagusan patungo sa mga templo na pwedeng tambayan para magpahinga at mas ma-enjoy ang view at malasap ang masarap na simoy ng hangin. Maganda rin ang Lotus Pond pang-unwind dahil sa katahimikang dala nito. Bagama't habang sinusulat ito'y nire-renovate pa ang isang parte ng scenic area, mae-enjoy mo pa rin ang tourist spot dahil sa ganda ng ibang bahagi at ng kabuuan nito.
7. Rainbow Village
Matatagpuan sa Nantun District, Taichung, Taiwan, makikita sa Rainbow Village ang ilang mga bahay na pinintahan ng mga cute at colorful artworks na dinarayo ng mga turista. Bukod sa nakabibilib na detalyadong artworks sa pader, sahig, at maging sa bubong ng bawat bahay ng village, mas ma-a-appreciate mo ang bawat lasak ng pintura kapag narinig mo ang kasaysayan at kuwento sa likod nito.
Ayon sa mga ulat, isang dating military settlement ang nasabing village na inabandona ng mga namamalagi rito sa paglipas ng panahon kaya’t ide-demolish na sana. Ngunit isang dating sundalo na naiwang naninirahan sa lugar, na nagngangalang Huang Yung-fu, ang nagsimulang pintahan ang settlement at ginawa itong “Rainbow Village.” Ayaw niya kasing ma-demolish ang lugar dahil iyon daw ang nag-iisang home para sa kaniya. Mula noon ay dinayo na ng mga turista ang “Rainbow Village” ni Huang na tinawag na rin bilang "Rainbow Grandpa” ng Taichung. Namatay siya noong Enero 2024 sa edad na 101 dahil daw sa sakit. Bagama’t wala na siya, hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ang Rainbow Village at binibisita ng mga turista. Mayroon ding isang pader sa village kung saan maaaring magdikit ng note ang mga turista tungkol sa kanilang dedication at kahilingan sa buhay.
8. Shifen Old Street
Matatagpuan sa Pingxi District, New Taipei City, Taiwan, ang Shifen Old Street ay perfect na lugar para sa mga gustong makita ng isang lumang railroad town na pinananatili pa rin sa kasalukuyan ang kagandahan ng nakaraan.
Bukod sa vintage look at sentimental vibes ng paligid, ang Shifen Old Street din ang Famous Sky Lantern Spot ng Taiwan. Dito ay maaari mong isulat sa lantern ang iyong personal na mensahe o kahilingan, tulad ng tungkol sa pag-ibig, career, at magandang kalusugan para sa mga mahal sa buhay. Pagkatapos nito ay ipapalipad sa itaas mula sa train tracks ang lantern para maabot ng langit.
Bukod sa pagpapalipad ng sky lantern, maaari mo ring ma-enjoy sa historical street na ito ang refreshing na hanging bridge, at ang kalapit na Shifen Waterfall.
9. Taipei 101
Isang pangmalakasang technique sa pagkuha ng larawan ang kakailanganin mo para ma-capture ang kabuuan ng Taipei 101 sa Taipei, Taiwan, dahil sa pambihirang taas nito. Sa katunayan, ang Taipei 101 ang kinilalang pinakamataas na building sa buong mundo mula 2004 hanggang noong 2007, ang taon kung kailan ito nataasan ng Burj Khalifa sa Dubai.
Pagpasok naman sa loob ng Taipei 101, maaari mong ma-experience ang elevator na isa rin sa pinakamabilis sa buong mundo. Gamit ang elevator, mula 5th floor ay maaari mong marating ang 89th floor sa loob lamang daw ng 89 seconds! Pagkarating naman sa tuktok ng building, tatambad sa’yo ang ganda at buong view ng Taipei.
10. Chiang Kai-shek Memorial Hall
Matatapuan sa Taipei, Taiwan, ang Chiang Kai-shek Memorial Hall ay isang national monument at nagsisilbi ring tourist attraction sa lugar. Tinayo raw ito upang alalahanin ang isang dating pangulo ng kanilang bansa.
Makikita sa kaliwang bahagi ng Memorial Hall ang National Concert Hall, habang sa kanang bahagi naman ang National Theater. Ang National Theater ay isang lugar para sa drama, sayaw, at iba pang pagtatanghal, habang ang Concert Hall ay ang pinaka-advanced daw na music performance venue ng Taiwan.
Bukod sa magagandang pasyalan, tulad ng mga nabanggit, hindi mo rin dapat palampasin ang mga night market ng Taiwan, kagaya ng Shilin at Toufen Night Market, at tikman ang kanilang street foods at mag-enjoy sa games. Plus points din sa bansang ito ang masasarap na food and drinks tulad ng walang katapusang milk tea, ang peaceful vibes ng paligid, convenient na public transportation, at mababait na Taiwanese na makakasalamuha mo at palaging magsasabi ng “Xie xie” o “Salamat.”
Kaya naman, kahit nasa ibang bansa ka, mararamdaman mong: “You're still home.”