Iaapela ng Commission on Elections (Comelec) sa Korte Suprema ang desisyon nito na nagsasaad na ang poll body ay nakagawa umano ng grave abuse of discretion nang diskuwalipikahin ang service provider Smartmatic bago pa man makapagsumite ng anumang bids para sa 2025 National and Local Elections (NLE).

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, maghahain sila ng motion for reconsideration sa naturang Supreme Court (SC) ruling.

“Actually po… mag mo-motion for reconsideration tayo,” ani Garcia, sa panayam sa radyo.

Sa kabila naman nito, sinabi ni Garcia na tanggap nila ang ilang bahagi ng ruling ng mataas na hukuman.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Tinukoy ni Garcia ang ginawang paglilinaw ng Mataas na Hukuman na hindi apektado ng ruling ang kontrata sa vote-counting machines (VCMs) na ini-award ng poll body sa South Korean firm na Miru Systems para sa midterm polls.

Paliwanag niya, ang sinasabi lamang ng SC ay maaari nang lumahok ang Smartmatic sa mga susunod pang procurement ng Comelec sa mga susunod na halalan.

“Lumalabas kung ano yung nangyari, valid na po lahat yan. Yung award namin wala na pong problema. Wala na pong effect, therefore, sa ating halalaan sa 2025,” aniya pa.

“And at the same time, ang sinasabi lang po ng Korte Suprema, kung sakali sa mga susunod na procurement sa mga darating na panahon, dapat kasali na po sila,” dagdag pa ng poll chief.

Binigyang-diin pa ni Garcia na hindi rin apektado ang integridad ng Comelec sa naturang desisyon ng Korte Suprema.