Kanselado na rin umano ang retirement benefits ni dating Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) National Director Demosthenes R. Escoto, matapos na sibakin sa tungkulin ng Office of the Ombudsman bunsod ng umano’y katiwalian.
Bukod dito, hindi na rin maaari pang magtrabaho si Escoto sa anumang posisyon sa pamahalaan at ang tanging naipon niyang accrued leave na lamang ang kanyang makukuha.
Nabatid sa 22-pahinang desisyon na iniakda ni Graft Investigation and Prosecution Officer I Cezar M. Tirol II at inaprubahan naman ni Ombudsman Samuel R. Martires, napatunayan na si Escoto ay guilty sa kasong grave misconduct.
Ang kasong administratibo na kinaharap niya ay may kinalaman sa pagbili ng BFAR ng mga communications equipment noong 2018, kung saan sinasabing pinagkalooban umano ni Escoto ng paborableng kontrata ang United Kingdom-based SRT Marine Systems Solutions Ltd. para sa pagsusuplay ng teknolohiya at equipment sa Integrated Marine Environment Monitoring System Project Phase 1, kilala bilang PHILO Project.
“Although the award of the contract to SRT-France was cancelled, the unwarranted benefit they gave to SRT-France to participate in the bid and to be post-qualified despite its ineligibility constitutes a willful violation of the law and established rule,” ayon sa Ombudsman.
Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman ang kasong administratibo laban kay dating Agriculture Assistant Secretary Hansel O. Didulo dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Itinalaga na rin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. si Isidro Velayo Jr. bilang officer-in-charge (OIC) ng BFAR.