Nagparetoke umano ng mukha ang isang “manggagantso” para mapalitan ang kaniyang identidad at matakasan ang kaniyang mga atraso.

Base sa eksklusibong ulat ng TV Patrol ng ABS-CBN News, nang ilabas ng Quezon City Police District (QCPD) ang warrant of arrest laban sa umano’y scammer na pinangalanang “Beverly Santos” sa bahay nito sa Pasig City, nagpakilala ang suspek bilang “Alexis Mercado.”

Gayunpaman, hindi raw alam ni Santos na batid na ng pulisya ang totoo nitong identidad at pagpaparetoke ng mukha upang matakasan ang kaniyang mga naging biktima.

Pag-amin naman ni Santos, nagparetoke siya ng ilong noong Disyembre 2023 dahil gusto umano niya munang makapag-isip lalo na’t nakatatanggap na raw siya ng mga “death threat.”

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Dagdag pa ng ulat, lehitimong supplier ang suspek ng ilang mga ahensya ng pamahalaan, at tumangay umano ito ng mahigit ₱50 milyon mula sa kaniyang mga nabiktima.

Nanawagan naman ang mga biktima ni Santos sa iba pang nagantso umano nito na dumulog sa istasyon ng QCPD para sa pagsasampa rito ng kasong large scale estafa.