Minaliit ng Department of Transportation (DOTr) ang dalawang araw na transport strike ng dalawang public utility vehicle (PUV) group.
Ito ang binigyang-diin ni DOTr Secretary Jaime Bautista nitong Martes, Abril 16, at sinabing resulta lamang ito ng maagap na aksyon ng pamahalaan.
Gayunman, ipinaliwanag ng opisyal na nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang nasabing hakbang ng PISTON (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide) at Manibela (Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon) dahil hinarangan ng mga ito ang mga kalsada sa ilang lugar sa bansa.
“They were successful in creating traffic. Pero (But) we were able to prove that government is ready to address transport issues,” pahayag ni Bautista nang dumalo sa pagdiriwang ng 112th founding anniversary ng Land Transportation Office (LTO) sa Quezon City nitong Martes.
Mananagot aniya ang dalawang transport group dahil sa paglabag sa batas-trapiko batay na rin sa pag-aaral ng LTO, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police.
“Ang nakita namin ay obstruction which created traffic. Mayroon naman silang right na ipaglaban ang kanilang karapatan, pero 'wag naman sanang ma-apektuhan ang traveling public," anang opisyal.
Nauna nang inihayag ng dalawang grupo na resulta lamang ito ng kanilang pagtutol sa PUV modernization program ng pamahalaan.