Pinaiimbestigahan na ni Department of Justice Secretary Boying Remulla si Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez kaugnay sa panagawan nito sa AFP at PNP na mag-withdraw ng suporta kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr..
Sa isang pahayag ni Remulla na inilabas ng ABS-CBN News nitong Martes, Abril 16, ipinag-utos niya ang imbestigasyon sa naging pahayag ni Alvarez.
“I have ordered an investigation on the statements of Congressman Pantaleon Alvarez to determine whether it has risen to the level of Sedition, inciting to Sedition or even Rebellion.,” anang Kalihim
“As a former lawmaker myself, I would like to remind Congressman Alvarez to act in accordance to the highest standards of ethics, morality, and nationalism, and avoid remarks unbecoming of a member of the House of Representatives,” dagdag pa ni Remulla.
Matatandaang sa ginanap na “Defend the Flag Peace Rally” noong Linggo ng gabi, Abril 14 sa Tagum City, Davao del Norte, nanagawan si Alvarez na bawiin o i-withdraw na raw ng hukbong sandatahan ang kanilang suporta kay PBBM upang mapanatili umano ang kapayapaan at stability ng bansa.
Gayunman, sa kabila ng panawagan ni Alvarez, tiniyak ng AFP at PNP na mananatili silang tapat sa pagsunod sa Saligang-Batas at paggalang sa chain of command na pinangungunahan ni PBBM.