Maaari umanong maharap sa mga traffic violations ang mga miyembro ng mga transport groups na Manibela at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) matapos na magdulot ng matinding pagsikip sa daloy ng trapiko ang idinaos nilang dalawang araw na kilos-protesta nitong Abril 15 at Abril 16.

Sa sidelines ng 112th founding anniversary ng Land Transportation Office (LTO) nitong Martes, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na base sa kanilang obserbasyon ay bigo ang transport strike at ang tanging tagumpay nito ay magdulot ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa ilang lugar.

Dahil dito, maaari aniyang maharap ang mga ito sa mga traffic violations, base na rin sa gagawing pagrepaso sa kanilang aksiyon na isasagawa ng LTO, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP).

“Kung anuman ang ginawa nilang kasalanan ay re-review-hin ‘yan ng government agencies,” dagdag pa ni Bautista.

Ipinagmalaki rin ni Bautista na tagumpay ang mga pamamaraang ginawa ng pamahalaan laban sa naturang protesta.

“Government’s efforts to offset the two-day strike by transport groups Manibela and Piston proved successful,” ani Bautista. “They were successful in creating traffic. Pero we were able to prove that government is ready to address transport issues.”

Nanindigan din naman si Bautista na ang lahat ng karapatan ay nasa mga protesters upang ipahayag ang kanilang mga hinaing ngunit hindi aniya ito dapat na magdulot ng abala sa publiko, partikular na sa riding public at sa mga motorista.

“Ang nakita namin ay obstruction which created traffic. Mayroon naman silang right na ipaglaban ang kanilang karapatan, pero ‘wag naman sanang maapektuhan ang traveling public,” aniya pa.

Matatandaang nagdaos ng dalawang araw na tigil-pasada at protesta ang Manibela at PISTON upang tutulan ang nalalapit nang pagtatapos ng April 30 consolidation deadline, sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.