Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na wala umano silang iniaatas na kulay kaugnay sa ipinanukala nilang alternate uniform para sa mga teaching at non-teaching personnel.
Sa Facebook post ng DepEd nitong Martes, Abril 16, sinabi nilang maaari umanong magsuot ng anomang collared shirt na nagamit sa nagdaang school o DepEd activities.
“Kaugnay ng alternate uniform para sa teaching and non-teaching personnel, nais linawin ng Department of Education na walang prescribed na kulay para dito,” pahayag ng DepEd.
“Maaaring magsuot ng kahit anong kulay ng collared shirt na nagamit sa mga nagdaang school o DepEd activities,” dugtong pa nila.
Sa unang post kasi na inilabas ng DepEd nitong Lunes, Abril 16, tampok sa biswal na representasyon ang mga collared shirt na kulay pula, berde, at puti. At ayon kay ACT Teachers Party-List Representative France Castro, tila may political meaning umano sa likod ng unang dalawang nabanggit na kulay.
"Parang mayroong political meaning ‘yan, a. ‘Yong kulay na ‘yan- red and green,” saad niya.
Bukod pa rito, nagbigay din ng reaksiyon ang ACT Chairperson na si Vladimer Quetua kaugnay pa rin sa panukalang alternate uniform.
MAKI-BALITA: ACT, pumalag sa panukalang alternate uniform ng DepEd