Pinuntahan ng ilang kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang content creator na si "Boy Tapang" matapos niyang magpalipad ng saranggolang yari sa peso bills.

Sa isang video, ibinahagi ni Boy Tapang sa kaniyang followers ang pagsadya ng ilang mga tauhan ng BSP upang paalalahanan niyang mali at labag sa batas ang paggamit ng pera sa mga ganitong klaseng content.

"NAKIPAG-UGNAYAN SAKIN ANG TEAM PCIG NG BANGKO SENTRAL NG PILIPINAS. ANG PERA AY HINDI DAPAT PAGLARUAN! I'M SORRY BSP!!!" aniya.

"Maraming salamat sa mga nakaitindi at lalong-lalo na sa Bangko Sentral ng Pilipinas patawad sa aking nagawa at maraming salamat."

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Ipinaliwanag ni Boy Tapang na wala siyang intensyong sirain o paglaruan ang pera. Ginawa lamang niya ito "for entertainment purpose only."

Nangako si Boy Tapang na hindi na niya uulitin ang ginawa at magsilbing araw daw ito para sa lahat.

Ang Presidential Decree No. 247 ay batas na nagbabawal sa mga hindi wastong paggamit ng salapi ng Pilipinas. Ito ay naisabatas pa noong Hulyo 18, 1973 at may titulong “Prohibiting and Penalizing Defacement, Mutilation, Tearing, Burning or Destruction of Central Bank Notes and Coins.”

Ayon sa decree na ito, Ipinagbabawal ang pagsulat o paglalagay ng marka sa pera, pagpunit, paggupit o pagbutas, pagsunog, labis na paglukot o pagtupi na nakakasira sa estruktura ng pera, pagbabad sa mga kemikal na agad makakasira sa pera, at pag-staple o paglagay ng anumang pandikit.

Ang multa sa mga mapatutunayang lalabag dito ay hindi hihigit sa ₱20,000 o kaya naman, hanggang 5 taong pagkakakulong.

Photo courtesy: Larawan mula sa BSP website