Nagbigay ng reaksiyon ang Alliance of Concerned Teacher (ACT) sa memorandum ng Department of Education kaugnay sa alternate uniform para sa mga teaching at non-teaching personnel nitong Martes, Abril 16.

“Panawagan natin ang pagluluwag sa polisiya hinggil sa pagsusuot ng uniporme dala ng matinding init,” pahayag ni ACT Chairperson Vladimer Quetua.

“Bukod sa tindi ng krisis sa klima, matindi rin ang krisis pang-ekonomiya kaya dapat na siguruhin ng ahensya na hindi na kakailanganin pa ng mga guro, bata, at kawani na gumastos para lamang makasunod sa guidelines sa alternatibong pananamit ngayong tag-init,” aniya.

 Muli ring binaggit ng ACT ang inihaing proposal sa DepEd na tungkol sa unti-unting pagsasaayos ng calendar shift plan upang hindi na tumapat pa sa buwan ng Abril at Mayo ang mga araw na may pasok na maaaring maging salik para lumala ang krisis sa pagkatuto ng mga bata dahil sa sobrang init ng panahon.

Binigyang-diin din ng samahan ang agarang pagtugon sa mga trabahong hindi nagawa at kakulangan sa mga silid-aralan, guro, education support personnel, at pagtitiyak sa mga imprastrakturang climate resilient.