Taga-Caloocan City ang pinalad na nanalo ng tumataginting na ₱222.9 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Sabado ng gabi.

Sa abiso ng PCSO nitong Linggo, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang winning combination para sa Grand Lotto jackpot na 17-26-30-39-14-07.

Dahil dito, naiuwi niya ang katumbas nitong ₱222,993,453.20 na jackpot prize.

Ayon sa PCSO, nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Grace Park, Caloocan City.

Pinaalalahanan naman ng PCSO ang lucky winner na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa PCSO Main Office sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang valid IDs.

Maaari umanong kubrahin ang jackpot prize sa loob ng isang taon mula sa petsa nang pagbola dito.

Ang lahat naman ng premyong hindi makukubra matapos ang isang taon ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.

Ang lahat din ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% buwis alinsunod sa TRAIN Law.

Kaugnay nito, muling hinikayat ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo ay makatulong pa sa mga kababayan nating nangangailangan.

Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.