Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na mananatili silang tapat sa pagsunod sa Saligang-Batas at paggalang sa chain of command na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. bilang punong ehekutibo ng bansa at Commander-in-Chief.

Ito ay sa kabila ng panawagan ni Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na bawiin o i-withdraw na raw ng hukbong sandatahan ang kanilang suporta kay PBBM upang mapanatili umano ang kapayapaan at stability ng bansa, sa ginanap na “Defend the Flag Peace Rally” nitong Linggo ng gabi, Abril 14 sa Tagum City, Davao del Norte.

Sa kaniyang opisyal na pahayag nitong Lunes, Abril 15, sa ulat ng Philippine News Agency (PNA), sinabi ni (AFP) spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na mananatiling tapat sa kanilang tungkuling pangalagaan ang soberanya at integridad sa teritoryo ng Pilipinas, anuman ang "political affiliations or individuals in authority."

"Our duty is to protect the Filipino people and uphold the rule of law, ensuring that peace and development will prevail throughout the nation. We will continue to fulfill these responsibilities with integrity, impartiality, and utmost dedication," anang AFP spokesperson.

Ayon naman kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, mananatiling tapat ang mga pulis sa kanilang serbisyong tiyakin ang "peace and order" sa buong bansa.

"Let us spare yung uniformed personnel sa mga ganitong mga usaping political," aniya.

Pinag-aaralan na raw ng kanilang legal officers kung ang mga nabanggit ng mga politiko sa nabanggit na rally ay "seditious."

"We will see, we will monitor kung ano ang magiging sitwasyon in terms of peace and security pero sana nga ay meron naman tayong duly constituted authorities at respetuhin 'yong mga elected officials at so far wala naman basehan sa ngayon para mag-alis or mag-withdraw tayo ng suporta sa duly constituted authorities at 'yan naman sana ay igalang ng lahat," aniya pa.

Ang sedition o sedisyon ay isang krimen na kinapapalooban ng pagsasalita, pagsusulat, o pagkilos na naglalayong mag-udyok o maghimok ng karahasan laban sa estado, pamahalaan, o mga kinauukulan ng pamahalaan. Karaniwang iniuugnay ang sedition sa mga gawain na may layuning pabagsakin o guluhin ang kaayusan ng pamahalaan o magdulot ng kaguluhan sa lipunan.

Maaaring ituring na sedisyon ang mga kilos tulad ng pamumuna o pag-aalsa laban sa pamahalaan, paghikayat ng rebelyon, o pag-uudyok ng mga tao na labanan ang gobyerno. Sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas, mayroong mga batas laban sa sedisyon upang mapanatili ang kaayusan at katatagan ng estado.