“Sino dito ang pamilyar kay Bob Ong?”

Trending ang Facebook post ng isang guro-manunulat na si Rommel Pamaos matapos niyang ibahagi ang napag-alaman niya habang nagkaklase siya.

Aniya, tinanong niya ang mga mag-aaral kung pamilyar ba sila sa manunulat na si "Bob Ong." Hindi maiwasang malungkot ng guro na darating daw siya sa punto ng kaniyang pagtuturo na wala nang nakakakilala sa nabanggit na manunulat, nakabasa, o kahit pamilyar din sa mga ginawa nitong akda gaya na lamang ng "ABNKKBSNPLako" at iba pa.

"Hindi ko akalain na dadating ako sa punto ng pagtuturo ko na walang nakakakilala sa mga estudyante ko kay Bob Ong, o kahit man lang narinig ang pangalan niya o kilala siya bilang manunulat. Pero nang mapanood naman nila ang isang explainer video tungkol sa mga pelikulang nanggaling sa libro ni Bob Ong, naalala nilang napanood na nila ang ABNKKBSNPLAko?! at yung latest na Mga Kaibigan ni Mama Susan," aniya.

Human-Interest

Color code sa shopping basket 'pag namimili sa dept. store, bet ng Pinoy netizens

Sumunod, inilahad ng guro-manunulat ang tinatawag na "Bob Ong craze" lalo na noong 90's hanggang sa pumasok na nga ang taong 2000.

"Naikuwento ko sa kanila ang Bob Ong craze na nag-umpisa noong 2001, first year high school ako niyan at kung paanong ang mga kakilala kong hindi naman talaga mahilig magbasa ay biglang nahilig sa pagbabasa. Kasi nakita namin na, ay pwede pala yung ganitong style sa pagsulat? Pwede pala yung parang nagkukuwento lang at parang kinakausap ka lang ng isang klasmeyt o tropa?"

"Nahuli din niya ang kiliti ng mga batang 90’s dahil sa mga reference na gamit niya at mga terms na naririnig rin namin sa mga magulang namin gaya ng diyes lang daw ang pamasahe nila nung araw at pagpapakain sa kanila ng Nutribun. At kung paanong marami sa mga kabataang tulad ko ang nangarap maging writer dahil sa kanya."

"Naibahagi ko rin sa kanila na ang ilang libro ni Bob Ong ay (pasensya na po) tinapos ko sa paunti-unting pagbuklat ko sa noo’y marami pang libro at totoo pa sa kanyang pangalang National Book Store dahil wala akong pera pambili. Kaya naman noong magkasweldo ako, mga libro din ni Bob Ong ang mga una kong binili. Gayumpaman, aminado akong hindi ko pa tapos basahin ang Si at hindi ko pa rin nasisimulan ang 56 niya."

Kaya naman, ginamit ni Pamaos ang akda ni Bob Ong upang ipakilala siya sa mga mag-aaral niya, at nagulat din siyang patok pa pala sa henerasyon ngayon ang paraan o estilo ng may-akda sa pagsusulat.

"Excerpt ng ABNKKBSNPLAko?! ang napili kong babasahin namin para sa Catch-Up Friday ni DepEd, nag-alala tuloy ako na baka thing of the past na nga si Bob Ong at hindi nila ma-digs ang magiging kuda niya sa buhay estudyante niya. Yun ang akala ko.."

"Patok pa rin pala sa kanila ang estilo ni Bob Ong kahit na marami na rin ang naging tunog Bob Ong lalo sa social media, na marami ring fake Bob Ong quotes. Natawa pa rin sila sa mga hirit niya dahil relatable pa rin naman pala ang trip ng mga estudyanteng gaya niya, gaya ko at gaya ng mga estudyante ko ngayon."

"Gaya ko, parang naging instant friend, klasmeyt at teacher din nila si Bob Ong dahil sa malulupit na life lessons niya na dala ko pa rin hanggang ngayon."

Kaya naman, napagtanto ni Pamaos na kung sinasabing may gap o guwang ngayon pagdating sa pagbabasa ng kabataan, maaaring maging behikulo nito ang pagpapakilala sa panitikan, sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga babasahing mas nauna na munang inenjoy ng mga guro.

"Madalas kong marinig na malaking problema sa pagtuturo ngayon ang generation gap ng mga estudyante at mga guro, na kesyo 'nagbabasa daw' ang mga kabataan noon hindi gaya ngayon na puro tiktok lang daw, e hello, kung hindi pa dahil kay Bob Ong hindi naman makakatapos ng kahit isang libro yung ilan sa mga kakilala ko. Ano ba ang dapat na ginagawa natin sa gap o sa guwang? Siguro pwede nating simulan sa panitikan. Sa pagpapabasa sa kanila ng mga babasahin na na-enjoy natin. Punuin natin ang mga espasyo ng mga kuwento."

Bukod sa akda, bumilib din ang mga mag-aaral ni Pamaos sa detalyeng hanggang ngayon, walang nakakikilala kung sino ba talaga si Bob Ong, dahil sinasabing "pen name" o sagisag-panulat niya lamang ito.

"Manghang-mangha sila sa part na walang nakakilala kay Bob Ong at sa totoo lang sa tinagal-tagal ng panahon ay isang pirma lang niya ang nakita ko sa poster sa kuwarto ni sir Jun Cruz Reyes sa PUP. Na sa panahon ngayon na pwede kang maging tiktok famous at maging viral youtuber, may pumipili pa rin na maging anonymous at magsulat na lang nang tahimik. Pwede ka palang mag-iwan ng malaking influence kahit hindi ka influencer."

Kaya napagtanto ni Pamaos, "At ang lesson ay pwede palang baguhin ang buhay mo ng mga kuwento ng isang taong kahit kailan hindi mo pa nakikita o makikilala man lang sa lifetime na ito. Yan ang tunay na bisa ng panitikan."

Tila nakaugnay naman dito ang mga netizen at nagbahagi rin sila ng kanilang pansariling danas at kuwento patungkol sa pagbabasa ng mga akda ni Bob Ong.

"I am and will forever be a Bob Ong fan!"

"Hindi ako magsusulat kung hindi ko nabasa si Bob Ong. Pagkatapos ko mabasa ang ABNKKBSNPLAko?! parang gusto ko ring magsulat. At nagsulat nga tinipon sa papel na folder."

"Kay Bob Ong ko narealize na pwede pala magmura o magsabi ng mga bastos na salita sa mga isusulat. Tapos taglish at ang natural ng wika. Parang rebellious ng dating kasi kapag may mga assignment noon sa Filipino, feeling ko e masyadong pormal. Tapos ko basahin si Bob Ong, parang nabuksan ang isip ko na magbasa pa ng ibang libro sa Filipino, tulad halimbawa ng mga akda ni Edgardo Reyes."

"Tama ka. Walang nakakakilala na kay Bob Ong. Nagturo ako ng 21st Century Literature at isa si Bob Ong sa topic. Sad na hindi sila familiar sa kanya."

"Sana sa Catch-up Fridays, ganiyan ang gawin ng mga guro, ipabasa 'yong mga akdang kontemporaryo, hindi 'yong mga kung ano-anong pinagagawa."

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Pamaos, siya ay guro ng asignaturang Filipino sa Luis A. Ferrer National High School sa General Trias City. Bukod dito, siya rin ay manunulat ng mga kuwentong pambata. Ang ABNKKBSNPLako ay isa sa mga tampok na akda tuwing Catch-Up Friday at National Reading Program ng Department of Education (DepEd) sa lahat ng pampublikong paaralan.

Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 8.9k reactions, 8.4k shares, at 588 comment ang kaniyang viral Facebook post.

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!