Opisyal nang binuksan ang 82 ektaryang kampus ng University of Santo Tomas sa General Santos, South Cotabato para sa academic year na 2024-2025.

Ayon sa CBCP News, ang seven-storey main building ng UST GenSan, na kayang tumanggap ng 5,000 students, ay nakapadron umano sa main building ng UST sa Maynila na kilala sa cross tower nito na may arkong hinalaw mula sa arkitektura ng Mindanao.

“It has 24 classrooms, 23 laboratories, a chapel, library, clinic, auditorium, cafeteria, organization rooms, and function halls,” saad sa ulat.

Isinagawa ang pagbabasbas sa bagong bukas na kampus noong Abril 9 sa unang misa na inialay ni UST Secretary General Fr. Louie Coronel, O.P. at facilities chief na si Fr. Dexter Austria, O.P.

Samantala, narito naman ang mga programang iniaalok ng UST GenSan para sa mga mag-aaral nito: BS Accounting Information System, BS Entrepreneurship, BS Industrial Engineering, BS Medical Technology, at BS Pharmacy.

Matatandaang UST ang itinuturing na pinakamatandang unibersidad sa buong Asya na itinatag ng ikatlong obispo ng Maynila na si Miguel de Benavides, O.P. noong 1611.