Ang workshop o palihan ay nakatuon sa pagpapalitang-kuro ng mga taong sangkot sa naturang gawain upang mapabuti at mapahusay ang isang partikular na output.

Bilang isang manunulat, mahalaga ang pakikilahok sa mga workshop para masuri ng ibang tao ang kaniyang binuong akda. Sa maraming pagkakataon daw kasi ay bulag ang manunulat sa kahinaan ng kaniyang panulat.

Ngayong Buwan ng Panitikan, sunod-sunod na naglabas ng anunsiyo ang mga unibersidad at organisasyong pampanitikan hinggil sa aplikasyon ng wokrshop sa pagsusulat ng tula, dagli, tula, sanaysay, dula, at kuwento.

Kaya sa mga interesadong aplikante, sinikap ng Balita na tipunin ang ilang workshops na pwedeng salihan ng mga manunulat na gustong mapabuti ang kalidad ng kanilang akda.

Human-Interest

BALITrivia: Si Santa Claus at ang kapaskuhan

  1. Palihang Rogelio Sicat (PRS)

Tumatanggap ang PRS ng 5 tula, 2 maikling kuwento (na hindi bababa sa sampung pahina at hindi lalampas sa 15 pahina ang bawat isa), 2 kuwentong pambata (na hindi lalampas sa 8 pahina bawat isa), 4 na dagli (na hindi lalampas sa dalawang pahina bawat isa),  2 malikhaing sanaysay (na hindi bababa sa 10 pahina at hindi lalampas sa 15 pahina ang bawat isa), o kaya naman ay 1 dula na may isang yugto.

Bukod pa rito, kinakailangan ding magpasa ng aplikante ng kaniyang larawan at maikling tala tungkol sa sarili niya o bionote.

Tatagal ng apat na araw ang naturang workshop na nakatakdang ganapin sa Clark Freeport Zone, Mabalacat City sa darating na Hunyo 5.

Maaari lamang ipadala ang mga requirement hanggang Mayo 15 sa pamamagitan ng email na ito: [email protected].

Ang PRS ay itinataguyod taun-taon ng University of the Philippines-Diliman sa ilalim ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at Kolehiyo ng Arte at Literatura.

  1. IYAS National Writers' Workshop

Kung isa kang manunulat na may akdang naisulat na gumagalugad sa relasyon ng tao sa kapaligiran, ipasa mo na iyan sa IYAS National Writers' Workshop sapagkat ang nabanggit na katangian ang hinahanap nila mula sa mga ipinapadalang lahok ng mga aplikante.

Bukas ang IYAS ng mga akdang nasa wikang Hiligaynon, Cebuano, Kinaray-a, Filipino at English na orihinal, hindi pa nailalathala, at hindi pa naisasalang sa anomang palihan. 

Tumatanggap sila ng 6 na tula,  2 maikling kuwento,  2 dula na may isang yugto, o 2 malikhaing sanaysay. 

Bukod pa rito, kinakailangang maghanda ang aplikante ng PDF copy ng kaniyang resume at cover letter na naglalaman ng kaniyang paliwanag kung bakit niya nais lumahok sa naturang workshop.

Tatagal ng anim na araw ang workshop na nakatakdang ganapin sa University of St. La Salle, Bacolod City, Negros Occidental sa darating na Hunyo 6.

Maaari lamang ipadala ang mga requirement hanggang Abril 19 sa pamamagitan ng link na ito: https://bit.ly/23rdIYASLaSalleWorkshop

Ang IYAS ay taun-taong inoorganisa ng University of St. La Salle (USLS) kasama ang DLSU Bienvenido N. Santos Creative Writing Center (BNSCWC) sa pakikipagtulungan ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC).

  1. Ateneo De Davao University Summer Writers Workshop

Huwag mag-aalala kung hindi nakaabot sa deadline ng Ateneo National Writers Workshop noong Abril 6 dahil binuksan naman ng Ateneo De Davao University ang kanilang summer writers workshop hindi lamang para sa mga estudyante, faculty, at alumni nito kundi pati sa mga manunulat mula sa ibang institusyon.

Tumatanggap ang ADDU ng mga sumusunod: 3-5 tula, 3 dagli, 2 malikhaing sanaysay, 2 maikling kuwento, o 1 dulang may isang yugto.

Bukod pa rito, kailangan ding maghanda ang aplikante ng maikling curriculum vitae. Maaaring ipadala ang soft copy ng mga nabanggit na requirement hanggang Mayo 5 sa pamamagitan ng link na ito: https://forms.gle/vHvdQEyMkscnzp8q8

Samantala, ang mga hard copy naman ay maaaring ipadala kay Dr. Macario D. Tiu sa 6/F Community Center of the First Companions (CCFC) Building Ateneo de Davao University, Jacinto Street 8016 Davao City.

Tatagal ng tatlong araw ang workshop na nakatakdang ganapin sa Ateneo de Davao University Jacinto Campus sa darating na Hunyo 19.

Ang naturang workshop ay inorganisa ng ADDU sa ilalim ng Department of Languages, Literature, and Arts.

  1. Valenzuela Writers Workshop

Patuloy na nagbibigay ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela ng workshop para sa mga residente nito na may natatanging talento sa pagsusulat.

Muli kasing binuksan ng Valenzuela Arts and Literary Society (VALS) ang aplikasyon para sa 7TH VALENZUELA WRITERS WORKSHOP (VWW).

Tumatanggap ang VALS ng mga sumusunod na lahok: 2 tula, 1 maikling kuwento, 2 dagli, 1 maikling sanaysay, dula na may isang yugto, screenplay para sa isang maikling pelikula, o first ten sequence ng screenplay para sa isang mahabang pelikula.

Bukod pa rito, kailangan ding ihanda ng aplikante ang maikling tala tungkol sa kaniyang sarili na may kalakip na larawan at contact details.

Maaari lamang ipasa ang mga naturang requirement hanggang Hunyo 30 sa pamamagitan ng link na ito: https://bit.ly/7thVWWAppForm

Tatagal ng dalawang araw ang workshop na nakatakdang ganapin sa Valenzuela City Library sa darating na Nobyembre 30.

Hindi gaya sa mga naunang workshop na nabanggit sa itaas, ang VWW ay limitado lang para sa mga mamamayang nakatira sa Valenzuela. 

  1. Palihang LIRA

Kung isa kang manunulat at nakatuon lamang ang interes mo sa sining ng pagtula, isang magandang balita ang hatid ng Linangan ng Imahen, Retorika, at Anyo o LIRA para sa ‘yo.

Bukas na kasing muli ang kanilang palihan para sa mga sumusulat ng tula sa wikang Filipino sa loob o labas man ng bansa. Magiging hybrid ang moda nito at isasagawa bawat Sabado at/o Linggo mula Hunyo hanggang Disyembre.

Tumatanggap sila ng 5 tula para sa mga interesadong aplikante. Bukod dito, kinakailangan ding maghanda ng tala tungkol sa sarili kalakip ang contact details.

Maaaring ipasa ang mga nabanggit na requirement hanggang katapusan ng Abril sa pamamagitan ng link na ito: https://forms.gle/Hp1tNkEfGz9ux7vM8.

Hindi gaya sa mga workshop na nabanggit sa itaas, ang Palihang LIRA ay may workshop fee na nagkakahalaga ng Php1,500.  

Ang LIRA ay samahan ng mga makatang nagsusulat sa Filipino. Itinatag ito noong 1985 ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario, ang makatang Rio Alma, na siya ring nananatiling punòng guro ng palihan.

Ano pang hinihintay mo, ka-Balita? Pasa na!