Ibinahagi ng showbiz insider na si Ogie Diaz ang kaniyang pananaw sa trending na usapin hinggil sa obligasyon ng mga anak sa kani-kanilang magulang.

Sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Abril 12, ikinuwento ni Ogie ang kalagayan ng kanilang buhay bago pa man siya makapasok sa mundo ng showbiz.

“Nakita ko yung hirap ng tatay ko bilang taxi driver na kung hindi papasada ngayong araw eh tiyak, wala kaming kakainin bukas.  Na-witness ko din yung pagtitinda ng tatlong putaheng ulam ng nanay ko, namamasukan bilang labandera at plantsadora; at na-experience kong kumalam ang sikmura namin dahil tanghali at gabi lang ang kain namin at bahala kaming bumawas sa baon naming barya kung gusto naming mag-almusal bago pumasok sa eskwela,” lahad ni Ogie.

“Na-experience ko din yung sa ilalim ng kahoy na sofa natutulog, dahil walo kaming magkakapatid at unahang makakuha ng magandang puwesto na tutulugan.  Wala kang sariling unan, kumot, tuwalya,” dugtong pa niya.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Dahil sa karanasang ito, tila lalo raw “nanggigil” si Ogie na matupad ang kaniyang pangarap at maiahon sa hirap ang pamilya niya. Dahil kung galing ka raw sa hirap, gugustuhin mong bigyan ng maalwang buhay ang mga kapatid mo at magulang.

“Kaya ako, sa gigil ko noon, isa pa lamang struggling reporter, at the age of 22 (1992), natupad ko na ang pangarap ko na mabigyan ng sariling bahay ang nanay ko na sa kanya ko pa ipinangalan para maipagmalaki naman niya na nakakita siya ng titulo ng bahay na sa kanya nakapangalan,” saad niya.

At ngayon daw na may lima na siyang anak, minsan daw siyang tinanong ng isang kaibigan sa tindig niya tungkol sa obligasyon ng anak sa magulang.

“Ang lagi kong sagot ay hindi na tulad nu'ng araw ang mga kabataan ngayon, lalo na at andiyan ang presensiya ng social media. Kaya bilang ako'y aral sa makalumang panahon, ihuhulma ko naman ngayon ang attitude at behavior ko sa henerasyon ngayon,” pahayag ni Ogie.

Ayon sa kaniya: “Kung ayaw mong umasa sa ibang tao, mag-ipon ka; kung ayaw mong manghingi, dapat marunong kang magtrabaho at magtabi. Kung ayaw mong maging pabigat, magpaasikaso at magpaalaga, ingatan mo ang sarili mo, ang kalusugan mo at mental health mo.”

“Dapat ang goal mo ay mag-ipon ka para sa pagtanda mo ay hindi mo kailangang umasa sa anak mo. Dahil tatandaan mo, nagbabago ang ugali ng anak kapag nag-asawa na, lalo na kung demonyo ang ugali ng mapapangasawa niya, malaki ang impluwensiya ng manugang kung paano ka tatratuhin ng anak mo,” dagdag pa ng showbiz columnist.

Kaya naman, nag-iipon daw sila ng asawa niya para sa kanilang sarili dahil ayaw niyang obligahin ang kanilang limang anak na alagaan sila sa kanilang pagtanda.

“At kung pipiliin pa rin ng mga anak ko na tulungan kami, suportahan pa din kami o 'wag kaming iwan -- resulta lang yon kung paano namin sila hinubog at pinalaki,” sabi ni Ogie.

Pahabol pa niya: “At yung ginawa ko para sa nanay ko at ginagawa ko para sa mga kapatid ko — yan ang resulta kung paano ako pinalaki ng nanay at tatay ko.”

Matatandaang nauna nang ibinahagi ni award-winning actor John Arcilla ang pananaw niya tungkol sa bagay na ito sa pamamagitan din ng isang Facebook post.

MAKI-BALITA: Pag-aalaga sa tumatandang magulang, ‘normal’ at ‘natural duty’ sey ni John Arcilla