Isang pambihirang pagkakataon ang nangyari sa Pantabangan, Nueva Ecija matapos na muling lumitaw at tila nakita na ulit sa mapa ang isang bayang lumubog na sa tubig noon at tuluyan nang naglaho.
Tampok sa "Mukha ng Balita" sa One PH na iniulat ni Francis Orcio, isang mobile journalist, muli raw sumulpot ang lumang bayan sa Pantabangan na nilamon na noon ng tubig sa dam, dahil sa labis na nararanasang init ng panahon sa kasalukuyan, o dahil sa tinatawag na "El Niño."
Dahil unti-unting natutyo ang tubig sa dam dahil sa labis na init ng panahon ngayon, lumitaw ang mga dating estruktura ng lumang bayan gaya ng krus ng nawasak na simbahan at dating sementeryo.
Sinasabing ito na raw ang ikaapat na beses na nangyari ang paglitaw ng lumang bayang nilamon na ng katubigan, mula nang magsimula ang operasyon ng dam noong 1974. Ang iba pang mga taon kung kailan nangyari ito ay noon pang 1983, 2014, at 2020.
Para sa mga mangingisda, bentahe raw ang pagsadsad ng tubig sa dam at paglitaw ng lumang bayan dahil mas marami raw silang nahuhuling isda, bagama't sa dami ng nahuhuling isda, naibebenta nila ito sa murang presyo. Pagsapit ng weekend, bumabawi na lamang sila sa pagbabangka para sa mga turistang nagnanais na pasyalan ang lumang bayan.
Subalit sa lokal na pamahalaan daw, problema ang pagbaba ng antas ng tubig dahil ito ang ginagamit nilang suplay sa patubig sa mga bahay, kuryente, suplay sa irigasyon para sa sakahan.