Pinuri ni dating Senador Kiko Pangilinan ang opisyales ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) sa desisyon nitong taasan ang buying price ng palay.
Sa huling NFA Council meeting ay inanunsyo ang bagong buying price ng palay: ₱23-₱30 para sa kada sa kilo ng tuyo at malinis na palay mula sa dating presyo nitong ₱19-₱23 at ₱19-₱23 piso naman sa kada kilo ng sariwang palay mula sa dating ₱16-₱19 piso kada kilo.
“Malaking bagay ito para sa mga magsasaka dahil ito’y dagdag na kitang maaari nilang gamitin sa pangangailangan ng pamilya,” ani Pangilinan.
“Gaganahan na rin silang magtanim at magbenta sa gobyerno dahil sa mas mataas na presyo ng bilihan,” sabi pa ng dating senador.
Idinagdag pa niya na makatutulong ang hakbang na ito para mapataas umano ang buffer stock ng ahensiya, lalo na ngayong panahon ng El Nino.
“Importanteng maitaas ang buffer stock ng NFA lalo na ngayong panahon ng El Niño para matiyak ang ating food security at hindi mamanipula ng mga gahamang trader ang presyo ng bigas dahil mayroong sariling imbak ang pamahalaan,” dagdag ni Pangilinan.