Umaabot na sa 7,080 na paaralan sa iba't ibang bahagi ng bansa ang nagsuspinde ng kanilang in-person classes at lumipat na ng online classes dahil sa matinding init ng panahon.

Batay sa datos na inilabas ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes, nabatid na ang naturang bilang ay 14.8% ng kabuuang 47,678 paaralan sa bansa.

Ayon sa DepEd, pinakamaraming apektadong paaralan sa Central Luzon na nasa 1,903.

Sumunod dito ang Central Visayas na nasa 870 at Western Visayas na nasa 862.

Sa National Capital Region (NCR) naman, nasa 311 paaralan na ang nagsuspinde ng face-to-face classes.

Una nang binigyan ng DepEd ang mga school heads at mga local government units (LGUs) ng awtoridad at diskresyon upang magsuspinde ng face-to-face classes kung napakainit ng panahon sa kanilang nasasakupan para na rin sa kapakanan ng kanilang mga mag-aaral at mga guro.