Naglabas ng anunsiyo ang Department of Education (DepEd) kaugnay sa magiging moda ng klase sa mga pampublikong paaralan sa darating na Abril 15 at 16.

Sa Facebook post ng DepEd nitong Biyernes ng hapon, Abril 12, sinabi nila na isasailalim sa asychronous o distance learning ang klase sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

“In order to allow learners to complete pending assignments, projects, and other requirements as the end of school year is fast-approaching,  all public schools nationwide shall implement asynchronous/distance learning on April 15-16, 2024,” pahayag ng ahensya.

“Likewise, teaching and non-teaching personnel in all public schools shall not be required to report to their stations,” anila

Ngunit, ayon sa DepEd, ang mga gawain umanong inorganisa ng Regional at Schools Division Offices gaya ng Regional Athletic Association Meets at iba pang division o school level programs na isasagawa sa mga nabanggit na petsa ay kinakailangang ipagpatuloy.

Gayunpaman, bagama’t hindi saklaw ng ibinabang abiso ang mga pampribadong paaralan, binibigyan sila ng ahensya ng option na gawin din ang nabanggit na moda ng klase.