Banas na banas ang mga netizen sa dalawang lalaking mapapanood sa viral video kung saan makikitang pinaglalaruan daw nila ang dalawang tarsier na nakita nila sa habitat nito sa liblib na lugar sa Bohol.
Makikita ang video nito sa Facebook page na "SAF- Special Asay Force."
"let's sing together 'habang buhay ako sayoy maghihintay umaraw man umuulan di sasablay pintado sa akong puso pag-ibig na tunay'" mababasa sa caption.
"Yahaya mga bossing oy padong na abroad"
"enjoy life, iyak later at kabilyahomes"
"Video is not mine."
Mapapanood sa video na tila tuwang-tuwa ang isang lalaki habang tila pisil niya nang mahigpit ang isang tarsier, at tawa naman nang tawa ang lalaking kumukuha ng video.
Makikitang tila pilit nilang ibinubuka ang mga bibig nito para ngumiti sa harapan ng camera.
Sa X naman, kinalampag ng mga netizen ang Department of Environment and Natural Resources o DENR upang hanapin at papanagutin ang dalawang lalaking nasa viral video. Hindi raw dapat hinahawakan basta-basta ang mga tarsier dahil endangered species na ang mga ito, at malinaw na pambubulabog ito sa kanilang habitat.
"Waaah! Yung tarsier! Nanahimik yung primate sa kanyang habitat, inistorbo ni kuya! Hindi ba niya alam ang proper way in handling and dealing with these animals?! Naawa ako huhuhu! Naka strike 2 na ang Bohol @DENROfficial @peta"
[embed]https://twitter.com/pauloMDtweets/status/1777899043320132095[/embed]
"Sarap pisilin at lamutakin mukha ng dalawang unggoy na 'to eh. DENR, galaw-galaw naman!"
"Mga sir bawal po hawakan ang mga tarsier!"
"Nakakagalit! Nananahimik ang mga walang kamuwang-muwang na hayop eh. Nasa'n ang utak ng mga lintik na ito?"
Ang tarsier ay isang uri ng maliit na primates na matatagpuan sa mga isla ng Southeast Asia, partikular sa Pilipinas, Borneo, at Sumatra. Sa Pilipinas, matatagpuan ito sa Bohol. Ang mga tarsier ay kilala sa kanilang malalaking mga mata na kasinlaki ng kanilang utak, na nagbibigay sa kanila ng mahusay na panggabíng paningin. Ang mga ito ay aktibo sa gabi at kadalasang nabubuhay sa mga puno ng kagubatan. Karaniwang kumakain ang mga tarsier ng mga insekto, ngunit minsan ay kumakain din sila ng mga ibon at mga reptilya.
Samantala, wala pang tugon ang DENR sa Bohol branch tungkol dito.