May mensahe ang isang guro-blogger sa mga mag-aaral na pahalagahan ang pagkakamit ng mataas o maayos na grado sa paaralan dahil ito ang magiging batayan sa kaniya sa hinaharap, pagdating ng takdang panahon.
Sa viral Facebook post ng guro, sinabi niyang may ilan kasing basta makapasa o "pasang-awa" na ay ayos na. Naniniwala rin ang karamihan ngayon sa kumakalat na kasabihang "Grades don't define your character and personhood" kaya tila ayos lang sa kanila na mababa ang marka, ipinasang-awa, o bagsak.
Sana raw ay matandaan ng mga mag-aaral na kung anuman ang gradong makuha ng mag-aaral ngayon, ito ang maglalarawan sa kaniya kung gaano na siya kahanda sa pagsabak at pagharap sa totoong hamon ng buhay.
"Alam mo ba na bumagsak ka pero pinasa ka ng sistema?"
"Ilang beses inadjust ng guro yung grades mo para maisama ka sa mga totoong nagpagod at naghirap para sa grades nila. Ikaw mismo gumawa ng kung anong meron ka ngayon. Tandaan mong ilalarawan ka ng grado mo kung gaano ka na kahanda sa mga totoong hamon sa buhay."
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"The system is literally doomed and done in cycles. Nakagawiang mali, ngunit di mabali-bali."
".sistemang mali na ayaw ding baguhin ng karamihan sa mga guro..bakit nga naman magpapakahirap pa ang mga bata kung alam naman nilang ipapasa din sila ng sistema?.kung bagsak, bigyan mo ng gawain para pumasa..di yung mag-aadjust ka para sila pumasa.."
"Dati Grade 6 pede na mkapasok trabaho kase HS/college na level ng turo,now Grade 12 or Grade 6 d marunong bumasa / umintindi?"
"bigyan ng special project kung pati yun katatamaran, wag ipasa, ibagsak mo. magiging sakit lng ng ulo yan, hanggat di nagbabago, wag mo baguhin, unfair yun sa nag aaral talaga. tapos panay reklamo sa buhay"
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa guro-blogger, sinabi niyang wala siyang masamang intensyon sa kaniyang post. Adbokasiya raw niyang maipamulat sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mataas, o kaya naman ay pasadong gradong deserve talaga, at hindi dahil sa ipinasa lang dahil sa awa, o dahil sa atas ng kinauukulan.
"Yung goal ko lang po kasi diyan is marealize ng maraming students na pinaghihirapan ang bawat marka kaya wag sana nilang i-take for granted na i-post ang teachers nila sa socmed dahil sa maliit ang grades na binigay," aniya.
---
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!