Ngayong Araw ng Kagitingan, pinaalalahanan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang publiko na patuloy isapuso at tutukan ang mga aral ng kasaysayan.
“Sa paggunita sa mga bayaning beterano sa ika-walumpu't dalawang taon ng Araw ng Kagitingan, kaisa ako ng sambayanang Pilipino sa pagbibigay-pugay sa kanilang hindi matatawarang sakripisyo para sa kalayaan na ating tinatamasa ngayon,” pahayag ni Duterte.
“Sila ay natatanging halimbawa ng tapang at pagmamahal sa bayan. Ang kanilang hangarin na ipagtanggol ang dangal at integridad ng ating bansa sa panahon ng digmaan ay inspirasyon na dapat nating tularan at alagaan. Kaya't patuloy nating isapuso at tutukan ang mga aral ng ating kasaysayan,” dagdag pa niya.
Sinabi ring ng pangalawang pangulo na nilalayon ng kaniyang tanggapan at ng DepEd na maituro at maipaunawa sa kabataan ang pagpapahalaga sa kasaysayan.
“Ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo at Kagawaran ng Edukasyon ay naglalayong maituro at maipaunawa sa bawat batang Pilipino ang pagpapahalaga sa kasaysayan at sa mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, “Ipagdiwang natin ang mga Pilipinong Beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at magbigay ng karangalan sa kanilang paninindigan sa ngalan ng kalayaan. Sama-sama nating itaguyod ang Pilipinas tungo sa isang kinabukasang mapayapa, makatarungan, at MATATAG. Mabuhay ang mga Bayaning Pilipino!”