Nagpaabot ng pasasalamat ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide o PISTON sa “It’s Showtime” family matapos sila nitong piliin bilang beneficiary sa “Family Feud.”

Sa kanilang Facebook post nitong Lunes, Abril 8, bukod sa inihayag na pasasalamat ay nanawagan din sila na isulong ang progresibo, makabayan, at makamasang public transport.

“Maraming salamat sa It's Showtime family sa pagpili sa amin bilang beneficiary nila sa Family Feud Philippines 💓” pahayag ng PISTON.

“Mga kapamilya, kapuso, at ka-pasada, sama-sama nating isulong ang progresibo, makabayan, at makamasang public transport! ✊🏽” dugtong pa nila.

Teleserye

Jennylyn kare-renew lang ng kontrata sa GMA, may serye agad kasama si Dennis

Sumalang kasi bilang guest ang “It’s Showtime” family sa naturang game show ng GMA Network. Ang isang team ay pinangunahan ni Unkabogable star Vice Ganda kasama sina Amy Perez, Jhong Hilario, at Jugs Jugueta.

Samantala, ang kabila team naman ay pinangunahan ni Anne Curtis kasama sina Vhong Navarro, Ogie Alcasid, at Teddy Corpuz.

Sina Vice Ganda ang pinalad na makarating sa “Fast Money Round” at nakakuha ng cash prize na nagkakahalaga ng ₱100,000. Kaya naman, mapupunta sa PISTON ang ₱20,000 nito.

Matatandaang 2017 pa nang simulan ng Department of Transportation ang public utility vehicle modernization program (PUVMP). 

Ngunit maraming jeepney drivers at operator ang hindi sang-ayon sa naturang programa dahil masyado raw masakit sa bulsa ang modern jeepneys na ilang milyon daw ang aabutin.

Kaya naman, kaliwa’t kanan ang isinagawang kilos-protesta ng nasabing sektor para hindi tuluyang ma-phase out ang mga traditional jeepney.

Dahil dito, mula Enero 31 ay na-extend ang jeepney consolidation hanggang katapusan ng Abril.