Makasaysayan ang Abril 9, 1942 sa Pilipinas dahil sa araw na ito bumagsak ang Bataan sa kamay ng mga mananakop na Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pero para sa mga eksperto sa kasaysayan, hindi lang umano ang pagsuko ng mga sundalong Pilipino at Amerikano ang dapat gunitain sa araw na ito kundi pati ang kanilang giting na lumaban at ipagtanggol ang bayan. Ayon kasi sa mga tala, Pilipinas ang kahuli-hulihang sumuko sa mga Hapon sa mga bansa sa Timong-Silangang Asya.
“We never celebrate the fall of Bataan, we commemorate the fall of Bataan. Kasi sa dami ng namatay doon sa Bataan, it was a tragedy that we hope would never be repeated,” pahayag ng history professor na si Dr. Ricardo Jose sa isang panayam ng GMA News.
“The fact that it stayed that long was already a victory by itself,” dugtong pa niya.
Pero ang pagpapakita ng kagitingan ay hindi lamang limitado sa pakikipaglaban sa giyera. Walang iisang anyo o uri ng pagpapakabayani.
Kaya naman, sa pagkakataong ito ay kilalanin natin si Magdalena Leones na bagama’t hindi humawak ng armas ay pinaniniwalaang may malaking kontribusyon sa pagpapalaya ng bayan sa panahon ng digma.
Ayon sa mga tala, 22 taong gulang si Magdalena nang sumiklab ang Ikalawang Digmaan. Isa umano siyang guro sa Kalinga na nag-aaral upang maging madre,
Nang bumagsak ang Bataan, kasama si Magdalena sa mga ikinulong sa loob ng limang buwan. Sa kaniyang pananatili sa bilangguan, natutuhan niya ang wika ng mga Hapon na Nihonggo.
Naging kasangkapan niya ang kasanayang ito upang makuha ang loob ng mga Hapones. Marami siyang nalaman at nakuhang impormasyon mula sa mga ito. Kaya mula Pebrero 27, 1944 hanggang Setyembre 26, 1944 ay nagslbing espiya si Magdalena para sa kilusang gerilya sa kabila ng panganib na maaaring idulot nito.
Ilan sa naiambag niya sa kilusan ay ang pagbibigay ng impormasyon. Nagpapadala rin siya ng mga gamot. Bukod pa rito ang pagpupuslit umano niya ng mga piyesa ng radyo upang hindi maputol ang kanilang komunikasyon sa heneral na si Douglas MacArthur na noon ay nasa Australia.
Ang mga maliliit ngunit mahahalagang hakbang na ito ay pinaniniwalaang naging instrumento upang maisakatuparan ang matagaumpay na pagbabalik ni MacArthur sa kapuluan.
Dahil sa husay niya sa panininiktik, hindi nakapagtataka na tinagurian siya bilang “The Lioness of Filipino Guerilla Agents” at ginawaran pa ng Silver Star Medal na kauna-unahang ibinigay sa isang Pilipina at Asyanong babae.
Patunay lang ito ng sinabi ng manunulat na si Jun Cruz Reyes sa kaniyang isang nobela na “may papel ang lahat sa himagsikan.”