Binigyang-diin ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin C. Remulla na dapat daw sumuko si Pastor Apollo Quiboloy hindi ayon sa sarili nitong tuntunin kundi ayon sa mga tuntunin ng batas.

Nitong Abril 6, nagpayahag si Quiboloy ng kondisyon bago raw siya sumuko.

Aniya, kailangan daw ay may kasulatan mula kina Pangulong Bongbong Marcos Jr., Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil at National Bureau of Investigation (NBI) director Medardo de Lemos na nagsasabing hindi makikialam ang US government.

“If you fail to give in written form these conditions from the Office of the President, Office of the Secretary of Justice, PNP, NBI and CIDG, you will never see my face,” anang pastor.

Kaugnay nito, sinabi ni Remulla na hindi maaaring magbigay ng sariling kundisyon si Quiboloy.

“Quiboloy cannot impose any conditions. He must surrender not according to his terms but according to the terms of the law. The law applies to all, without exception,” anang Kalihim nitong Lunes, Abril 8.

Dagdag pa niya, “no one is above the law, even if one occupies an important position in his religious organization.”

Gayunman, tiniyak ni Remulla ang kaligtasan ni Quiboloy sa sandaling sumuko ito.

Matatandaang naglabas na ng kautusan si Judge Dante A. Baguio ng Davao City Regional Trial Court (RTC) Branch 12 para sa pag-aresto kay Quiboloy na kinasuhan ng paglabag sa Sections 10(a) at 5(b) ng Republic Act (RA) No. 7610, the Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, sa di-umano’y sekswal na pang-aabusong ginawa niya noong 2011 laban sa isang babae na noon ay 17 taong gulang.

Bukod dito ay mayroon din siyang kasong qualified human trafficking sa Pasig City RTC.

“The charges against Quiboloy are not ‘simple.’ They involve serious and morally abhorrent offenses such as  sexual assault of a minor and human trafficking,” ani Remulla.