Kinukumpara daw sa iba ng mga netizen ang spoken word poetry ni Unkabogable Star Vice Ganda na bahagi ng kaniyang performance sa opening number niya sa unang araw ng pag-ere ng "It's Showtime" sa GMA Network noong Sabado, Abril 6.
Ayon sa ilang mga netizen, tila kahawig daw kasi ng piyesang "Buo" na monologo ng direktor na si Darryl Yap noong 2020, ang spoken word poetry ni Vice Ganda, ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP.
Nang makipag-ugnayan sila sa direktor, sinabi nitong abala pa siya sa pagsusulat ng script para sa bagong pelikulang pagtatambalan ng real-life couple na sina Kim Molina at Jerald Napoles.
Ngunit nagbigay ng sagot si Direk Darryl tungkol sa isyu. Aniya, dahil daw sa kaabalahan ay hindi pa raw niya napapanood ang performance ni Vice, at sa palagay niya, hindi raw ito magagawa ng Unkabogable Star; o kung may pagkakahawig man, baka ito ay dahil sa writers nito na "hindi raw nag-ingat."
Parehong patungkol sa pag-abot ng pangarap at tagumpay ang tinatahak ng "Buo" ni Direk Darryl at spoken word poetry na binigkas ni Vice Ganda sa Showtime.
MAKI-BALITA: ‘Pang-asar’ ni Vice Ganda sa bashers: ‘Nananalo pa rin ako, Bwak Bwak Bwak Bwak!!!’
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Vice Ganda tungkol sa isyu. Bukas ang Balita sa kanilang panig.