Nagbigay ng paglilinaw si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy kaugnay sa kaniyang pagtatago sa awtoridad.

Sa inilabas na audio clip ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Sabado, Abril 6, iginiit ni Quiboloy na pinoprotektahan lang umano niya ang kaniyang sarili.

“Ako po ay hindi nagtatago sa kasong ito dahil ako po ay may kasalanan. Hindi po. Ako ay umiiwas dahil pinoprotektahan ko ang aking sarili,” lahad ni Quiboloy.

“Umiiwas po ako sa pangyayaring ito dahil hindi po katulad ang kasong ito ng kina Congressman Teves at General Bantag. Si General Bantag at Congressman Teves ang kumakalaban po sa kanila ngayon at humahabol ay gobyerno lamang ng Pilipinas,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya: “Ang sa akin po, complex. Complicated. Sapagkat mayroon po akong ginawang kaso sa Amerika. Ang gumawa ng mga kasong ito ay ‘yon pong mga magnanakaw dito sa bansang kaharian na noong sila ay nahuli ay lumayas at nag-iwan ng kaso.”

Matatandaang nilagdaan na ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri noong Marso 19 ang arrest order ni Quiboloy.

MAKI-BALITA: Zubiri, nilagdaan na arrest order vs Quiboloy

Sa katunayan, pinapaapura na ng Davao Regional Trial Court Branch 12 (Family Court) ang pag-aresto sa kontrobersyal na pastor na humaharap sa mga alegasyong gaya ng “child abuse” at “qualified trafficking.”

MAKI-BALITA: Pag-aresto kay Quiboloy, pinaaapura na ng Davao court