Nagpaabot ng mensahe si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Pilipino.
Sa Facebook post ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Sabado, Abril 6, mababasa ang naturang mensahe kung saan hinihikayat ni Romualdez ang publiko na pagnilayan ang mga aral ng panitikan.
“Ang pag-aaral at pagpapahalaga sa panitikan ay makapagbibigay-daan sa atin na mas maunawaan ang kalikasan ng kapayapaan at ang mga isyung bumabalot sa ating lipunan,” saad ni Romualdez.
“Sa pamamagitan ng mga likhang panitikan, mabibigyan tayo ng pagkakataon na magkaroon ng malalim na talakayan at palitan ng mga ideya tungkol sa kapayapaan. Ang mga akda ay maaaring maging daan para sa diyalogo, pagkakaunawaan, at pagkakaisa,” aniya.
Dagdag pa niya: “Kaya’t sa pagdiriwang ng ikasiyam na taon ng Buwan ng Panitikan, ating pagnilayan ang mga aral at inspirasyon na hatid ng ating tungkol sa kapayapaan. Gamitin natin ang mga kuwentong nakasulat sa pahina ng ating mga aklat upang magsilbing gabay sa pagbangon at pagpapalaganap ng kapayapaan sa ating lipunan.”
Bukod kay Romualdez, nagbigay rin ng kani-kanilang mensahe si Senate President Juan Miguel Zubiri at President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kaugnay sa naturang pagdiriwang.
MAKI-BALITA: PBBM sa Buwan ng Panitikan: ‘Nawa’y maipanday natin ang isang Bagong Pilipinas’
MAKI-BALITA: Zubiri, buo ang suporta sa pagpapalaganap ng Panitikang Pilipino