Naglabas ng mensahe si Senate President Juan Miguel Zubiri para sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Pilipino.

Sa Facebook post ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Biyernes, Abril 5, sinabi ni Zubiri na talagang akma sa mga isyung kinakaharap ng Pilipinas ang tema ng naturang pagdiriwang na “Ang Panitikan at Kapayapaan.”

“Ang ating kabataan ay lumalaki sa isang mundo na sadlak sa karahasan at kawalan ng katarungan; isang mundo kung saan kailangan buong-tapang at buong-puso na ipaglaban ang kapayapaan,” saad ni Zubiri.

“Sa ganitong mundo, sa panitikan tayo bumabalik. Sa panitikan natin natatagpuan muli ang kaluluwa ng ating bayan at ng ating sambayanan. Dito natin natatagpuan muli ang yaman ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan. Dito natin natatagpuan muli ang posibilidad, ligaya, at halaga ng tunay na kapayapaan,” aniya.

Dagdag pa ng senador: “Kaya buo ang suporta ko sa Komisyon at sa patuloy nitong pagpapalaganap ng Panitikang Pilipino sa ating mga mamamayan, lalo na sa ating mga kabataan.”

Sa huli, tiniyak ni Zubiri na kasama raw siya sa trabahong buhayin ang pagiging makabayan ng mga Pilipino.

Matatandaang bago pa man dumating ang Abril ay opisyal nang binuksan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pagdiriwang para sa Buwan ng Panitikang Filipino.

“Maraming salamat, at mabuhay kayo!” lahad pa niya.

MAKI-BALITA: Kapayapaan, sentro sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan