PNP: Nagkakanlong kay Quiboloy, posibleng madamay sa kaso
Nagbanta ang pulisya na posibleng makasuhan ang mga nagkakanlong sa kontrobersyal na Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader na si Pastor Apollo Quiboloy.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, dapat tumulong ang mga nagkakanlong kay Quiboloy na mapasuko ito upang tuluyang maharap ang patung-patong na kaso.
Inilabas ng PNP ang pahayag matapos mabigo ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin si Quiboloy sa mga lugar nito sa Davao kamakailan.
Sa kabila nito, nanawagan si Fajardo kay Quiboloy na makipagtulungan sa mga awtoridad at sumuko na lamang dahil sa mga kinakaharap na kasong child at sexual abuse na isinampa ng mga babaeng dating miyembro ng KOJC.
Kumpiyansa rin si Fajardo na babagsak din sa kamay ng batas si Quiboloy lalo pa't pinalawak na ng PNP ang kanilang operasyon, kasama ang mga law enforcement agency.
Matatandaang naglabas ng arrest warrant ang Senado nitong Marso dahil sa patuloy na pagbabale-wala ni Quiboloy sa mga imbitasyon ng mga senador para sa pagdinig sa kanyang kaso.