Ramdam na ramdam na talaga ang tag-init ngayon sa bansa. To the point na tagatak talaga ang pawis kahit wala naman masyadong ginagawa, kaya minsan gugustuhin mo na lang magkulong sa loob ng freezer para mapawi ang init.
Sa ganitong panahon, may iba’t ibang paraan ang mga Pinoy kung paano maiibsan ang init. Kagaya na lang ng pagkain at pag-inom ng malalamig—and speaking of this, narito ang ilang pagkain at inumin na patok ngayong summer!
HALUHALO
Hindi mawawala ang all-time favorite desert ng mga Pinoy. Simple lang naman ang laman ng haluhalo, mayroon itong saging, beans, pinipig, sago, langka, gulaman, nata de coco, asukal, evaporated milk, at yelo. Nilalagyan ito ng leche flan, ube, macapuno sa ibabaw—minsan nga may ice cream pa ito. Well, ngayon nga ay may iba’t ibang version na rin ng paggawa ng dessert na ito.
Pero kahit anong version pa ‘yan, as long as may yelo ito… hayyy refreshing talaga!
SORBETES O PINOY ICE CREAM
Kung tradisyunal na Filipino ice cream ang pag-uusapan, wala pa rin sigurong tatalo sa nilalakong ice cream. Tunog pa lang ng bell ni manong eh tatakbo ka na agad sa baryahan para kumuha ng pambayad.
Kadalasang gawa ang Pinoy ice cream sa Carabao o coconut milk na may basic flavors kagaya ng chocolate, ube, cheese, at mango na nilalagay karaniwan sa cone o apa at plastic na baso. Sa totoo lang, masarap nga rin ito ipalaman sa tinapay.
Pero kung hindi dumaan si manong sa street ninyo, may mabibili namang ice cream sa mga supermarket na may samu’t saring flavors.
ICE SCRAMBLE
Hindi lang ito patok tuwing summer. Kadalasan nga rin ito nabibili sa labas ng mga eskuwelahan dahil patok ito sa mga estudyante. Ang ice scramble ay gawa sa shaved ice na hinaluan ng pink food coloring na may powdered milk at chocolate syrup sa ibabaw.
SAMALAMIG
Kahit saan ka magpunta, may mga makikita kang samalamig. Isa rin ito sa mga patok na refreshment drink. Kadalasang rekado lang nito ay sago’t gulaman na may iba’t ibang flavor gaya ng buko pandan, salad, chocolate, mangga, atbp.
FRUIT SHAKE
Ang fruit shake ay gawa sa durog na yelo na hinahaluan ng sariwang prutas o minsan fruit-flavored powder. Minsan ay nilalagyan ito ng pearls o kulay itim na sago.
ICE CANDY
Ito na ang pinakamurang pampalamig ngayong tag-init. Madali lang din kasi itong gawin, magtitmpla lamang ng powdered juice/fruit-flavored powder o 'di kaya blended fruits at saka ilalagay sa plastic at patitigasin sa freezer. Karaniwan ngang flavor nito ay mangga at chocolate. Patok din ito sa mga bata.