Nagbigay ng tugon si dating Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) Commissioner Jerry Gracio kaugnay sa pahayag ni KWF Commissioner Benjamin Mendillo, Jr.

Sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Abril 4, sinabi ni Gracio na ipinapasa umano ni Mendillo ang isyu ng red-tagging kay KWF Chairman Arthur Casanova samantalang ito raw ang pangunahin nangred-tag sa mga manunulat na naglathala ng libro sa KWF. 

Photo Courtesy: Jerry Gracio (Facebook)

“Halimbawa, sa isang interbyu sa ANC isang taon na ang nakararaan, sinabi niya na ang batayan ng pag-ban sa mga libro na sila mismo ang naglathala ay ang Anti-Terrorism Act. Nang tanungin siya ng host kung ano-ano ang mga bahagi ng libro na inaakusahan niyang "subersibo" at labag sa Anti-Terrorism Act, wala siyang maisagot,” saad ni Gracio.

National

Romina, patuloy na kumikilos patungong Southern Kalayaan Islands

“Siya ang pangunahing promotor ng red-tagging sa KWF. Nagkataon lang na medyo mahina ang loob ng Chair at madaling ma-bully, kaya tumakbo si SMNI, nagpa-interbyu sa mga host sa estasyon ni Quiboloy para paimbestigahan ang mga librong inirereklamo ni Mendillo, na nauna na nilang inilathala,” aniya.

Kaya para matapos na umano ang naturang usapin, hiniling ni Gracio na makipag-diyalogo si Mendillo at maging ang kapuwa nito Commissioner na si Carmelita Abdurahman sa mga manunulat na nired-tag at hanggang ngayon ay naka-ban ang mga libro. 

“Bilang mga lingkod-bayan na pinapasuweldo ng buwis ng taumbayan, obligasyon ninyo na sagutin ang mga tanong ng bayan,” wika ni Gracio.

“At dahil batay sa mga naunang interbyu, at sa kanyang mga pahayag ngayon, malinaw na hindi sinasagot kundi man nagsisinungaling si Komisyoner Mendillo, at kung may hiya siya, dapat siyang mag-resign,” dugtong pa niya.

Matatandaang hiningan ng Balita si Mendillo ng pahayag kaugnay sa panawagan ni Gracio na patalsikin siya sa kaniyang posisyon noong magsimula ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan.

MAKI-BALITA: Mendillo, nagsalita tungkol sa isyu ng red tagging sa mga librong inilathala ng KWF