Quiboloy, malakas sa mga awtoridad?
Kumpiyansa ang isang senador na malapit nang maaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy kaugnay ng kinakaharap na patung-patong na kasong kriminal.
Ipinaliwanag ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality chairperson Risa Hontiveros, nangako na ang Philippine National Police (PNP)-Davao na makikipagtulungan ito sa iba pang law enforcement agencies sa ikaaaresto ni Quiboloy.
Nitong Marso, iniutos ng Senado na dakpin sa lalong madaling panahon si Quiboloy makaraang balewalain ang mga imbitasyon ng mga senador na dumalo ito sa pagdinig kaugnay ng kinakaharap na mga kasong human trafficking, rape, sexual at child abuse.
Aniya, kapag naaresto na si Quiboloy, makadadalo na ito sa imbestigasyon ng Senado.
Sa kabila nito, umapela pa rin ito kay Quiboloy na lumantad na at makipagtulungan kaugnay ng alegasyon laban sa kanya.