Naglabas ng pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Filipino.

Sa Facebook post ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Miyerkules, Abril 3, binanggit ng pangulo ang mga katangian ng panitikan na makakatulong upang lubos na maunawaan ng bawat isa ang tinatahak na landas bilang bansa.

“Itinatampok ng ating panitikan ang mga mahahalagang kuwento ng ating kamalayan at kasaysayan bilang isang sambayanan. Pinagtitibay nito ang kultura, paniniwala, at halaga ng pagkakaisa, kasabay ng pagpapalawak sa ating kaalaman tungkol sa ating nakaraan,” saad ni Marcos, Jr.

“Sa likod ng bawat akda, batid natin na, sa iba’t ibang karanasan, damdamin, at paninindigan ng ating mga kababayan, nakapupulot tayo ng gintong aral at kayamanang pangkaisipan. Kaya naman, sa tulong ng panitikan, namumulat tayo sa mga isyung panlipunan, pang-ekonomiya, at pampulitika, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati na rin sa kolektibong karanasan ng tao sa buong daigdig,” aniya.

Dagdag pa ng pangulo: “Sa ating pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2024, tayo ay inaanyayahang tumuon sa mga kasulatang may kinalaman sa kapayapaan at pag-ibig sa bayan nang, sa pamamagitan nito, mahabi natin ang marangal na sanaysay ng ating salinlahi. Sa pamamagitan nito, nawa'y maipanday natin ang isang Bagong Pilipinas kung saan ang bawat Pilipino ay may sigasig na tuklasin ang yaman ng ating literature, magkaroon ng masidhing pagmamahal sa ating mga likhang sining, at magsulong ng isang kinabukasang malaya at maharaya para sa lahat.”

Matatandaang kamakailan lang ay opisyal nang binuksan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pagdiriwang para sa Buwan ng Panitikang Filipino.

MAKI-BALITA: Kapayapaan, sentro sa pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan