NBI, bigong maaresto si Quiboloy sa Davao
Nabigo ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na maaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy sa ilang lugar sa Davao na posible niyang pinagtataguan nitong Miyerkules.
Sa panayam ng mga mamamahayag kay NBI Region 11 director Arcelito Albao, ipinaliwanag nito na sinalakay ng mga tauhan nito ang mga lugar ni Quiboloy sa Davao City at sa Island Garden City of Samal.
Gayunman, hindi umano nila natagpuan si Quiboloy.
Kasama ng NBI sa operasyon ang mga tauhan ng iba pang law enforcement agency.
Wala aniya silang makuhang impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng dating spiritual leader ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, tiniyak nito na puspusan pa rin ang kanilang manhunt operation laban kay Quiboloy.
Si Quiboloy at lima pang akusado ay nahaharap sa kasong child abuse at sexual abuse dahil sa reklamo ng mga dating miyembro ng religious group.