Nagbigay ng reaksiyon si Senate President Migz Zubiri sa survey ng Pulse Asia kung saan pang-apat siya sa mga nangunguna para sa vice presidential bets sa 2028.

Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 1, pinasalamatan ni Zubiri ang Pulse Asia sa pagsama sa kaniya sa kanilang survey para sa 2028 Vice Presidential race, kung saan 7% ng respondents ang nagpahayag ng suporta sa kaniya.

Nagpasalamat din ang senador sa kaniyang mga Kababayan sa Mindanao at Visayas na nagbigay sa kaniya ng mataas na numero na 14% at 8%, ayon sa pagkakabanggit.

Sa kabila nito, nilinaw ni Zubiri na hindi siya tatakbo sa kahit na anong posisyon sa 2028 elections.

“To dispel any rumors that may arise, I would like to make it clear that I will not be running for any public office [in] 2028,” ani Zubiri.

“I am, in fact, contemplating on my retirement from almost 30 years of politics,” dagdag pa niya.

Nangako naman ang senate president na igugugol niya ang kaniyang huling apat na taon sa serbisyo sa pamamagitan ng pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.

“I assure you that my last four years of service will be dedicated to uplifting the lives of every Filipino through meaningful legislation. Whatever survey results showing positive reviews for me and for our institution is a testament to the Senate’s undying desire to render quality service to our people,” saad ni Zubiri.