Patuloy pa ring nakaaapekto ang ridge ng high pressure area (HPA) at easterlies sa malaking bahagi ng bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Abril 2.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, sinabi ni PAGASA Weather Specialist Rhea Torres na kasalukuyang umiiral ang ridge o extension ng HPA sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Ayon sa PAGASA, wala namang masyadong nabubuong kaulapan ang HPA dahil palabas ang hanging naidudulot nito.
Samantala, inihayag din ni Torres na patuloy na nakaaapekto ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, sa nalalabing bahagi ng bansa.
Kaugnay nito, inaasahan pa ring magpapatuloy ang mainit na panahon sa malaking bahagi ng bansa, maliban na lamang daw sa mga tsansa ng pulo-pulong mga pag-ulan kadalasan sa hapon o sa gabi.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na alinmang bagyo o low pressure area sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).